Patay ang isang 36-anyos na buntis na guro matapos siyang pagbabarilin habang nakasakay sa motorsiklo sa Tayum, Abra.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakaangkas ang biktima sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang mister.
Pagsapit nila sa Barangay Bumagcat, dinikitan sila ng dalawang salarin na nakasakay din sa isang motorsiklo at pinaputukan sila.
Isinugod sa ospital ang ginang pero binawian din ng buhay kalaunan. Nakaligtas naman ang kaniyang mister.
Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para mahuli ang mga salarin.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima na napag-alaman residente ng Lagangilang sa Abra din, ayon sa ulat. –FRJ GMA News
