Magpupulong umano ang Senado bilang impeachment court “forthwith” sa oras na matanggap nito ang Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte na manggagaling sa Kamara de Representantes.
"Forthwith. I consulted also Senator (Vicente 'Tito') Sotto. Sabi niya, process, ibigay muna sa committee. We will do what has to be done and there won't be delays," pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano sa mga mamamahayag nitong Martes.
Pumalit si Cayetano kay Sotto bilang lider ng Senado nitong Lunes matapos makakuha siya ng 13 boto, na mayoryang bilang ng 24 na senador.
Bagaman “agad-agad” ang paniniwala sa kahulugan ng salitang “forthwith,” naglabas kamakailan ng Korte Suprema ng paliwanag tungkol sa kahulugan nito na “reasonable time.”
BASAHIN: SC: Forthwith in impeachment means within a reasonable time
Umaasa si Cayetano makapagsasagawa ng caucus o pulong ang mga senador sa Martes, Mayo 12, o Miyerkules, Mayo 13, upang talakayin ang mga usapin kabilang ang impeachment trial ni Duterte.
"There won't be delays. You judge us on our actions. But I don't know what time ire-receive. I don't know. That's why I want a majority caucus para it's not a decision of only one group," saad niya.
Ayon kay Senate Secretary Mark Llandro Mendoza, hindi pa natatanggap ng Senado ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
"We have to calendar it pa sa session. Kung aabot kung di man today eh di tomorrow," sabi ni Mendoza.
Kasabay ng pagpapalit ng liderato ng Senado nitong Lunes, bumoto ang 257 na kongresista sa Kamara upang i-impeach sa ikalawang pagkakataon si Duterte dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang matitinding krimen. — Sundy Locus/FRJ GMA News
