Muling magsasanib-puwersa ang blockbuster tandem nina Dennis Trillo at Ruru Madrid sa upcoming GMA Prime series na “Hari ng Tondo.”

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing dama ng excitement nina Dennis at Ruru sa ginanap na story conference para sa kanilang reunion project.

“Minsan lang kami magkatrabaho ni Ruru pero pagka-binibigyan kami ng pagkakataon magkatrabaho, talagang siguradong maganda at isang malaking proyekto talaga,” sabi ni Dennis.

“Finally ngayon sa isang teleserye, mas mahaba, mas maraming oras na magkakasama kami ni Kuya Dennis so very excited,” sabi naman ni Ruru.

Bilang paghahanda sa proyekto, sumalang si Ruru sa immersion para mas maintindihan at magampanan niya nang mabuti ang kaniyang karakter na lumaki at nakatira sa Tondo.

“Nu’ng natutunan ko pong kilalanin sila at aralin po paano ba ang pamumuhay sa Tondo, na-realize ko na ganoon lang pala talaga sila kalalim na tao,” sabi ni Ruru.

“Feeling ko dito mas makaka-relate ‘yung mga makakanood sa mga character namin, hindi lang sa akin, pati sa characters nina Ruru at sa mga ibang artista dito,” sabi naman ni Dennis.

Ipapamalas din nina Ruru at Dennis sa serye ang Pinoy Martial Arts na “Panantukan.”

“Yung Panantukan is dirty boxing so sabi ko parang swak na swak ‘to sa Tondo. Ever since then talagang todo ensayo. Hanggang kahit nasa Spain ako, takbo ko nang takbo,” sabi ni Ruru.

Makakasama rin sa serye ang orihinal na Tondo boy at kasalukuyang Manila Mayor na si Isko Moreno, na natutuwa na iikot ang kuwento sa lugar na kaniyang kinalakihan at ipinagmamalaki.

“Excited ako na ma-share naman 'yung maraming mabubuti at magagandang nangyari sa buhay ng isang tao lalo na mga batang pinanganak sa Tondo,” sabi ni Moreno.

Kasama rin sa cast ang nagbabalik-Kapuso na si Ryza Cenon na excited muling makatrabaho ang ilang Kapuso stars.

“First time ko siya makatrabaho, si Ruru and si Kuya Dennis naman nakatrabaho na siya before, bata pa ako. Tapos saka 'yung story din and sobrang isa sa mga favorite kong gawin ay 'yung action,” sabi ni Ryza.

Kasama rin sa powerhouse cast sina Rocco Nacino, Ysabel Ortega, Elle Villanueva, Arra San Agustin, Victor Neri, Nonie Buencamino at Heath Jornales.

Sa direksyon ni Enzo Williams ang “Hari ng Tondo.” – Jamil Santos/FRJ GMA News