Panandaliang malilimutan ang init ng panahon sa isang resort farm sa San Joaquin, Iloilo, dahil sa mala-langit nitong kapaligiran na may mga paalala rin tungkol sa ating buhay at ni Hesus.

Sa nakaraang episode ng I-Juander, itinampok ang Garin Farm, na sa halagang P150 na entrance fee ay magkakaroon na umano ng tila-langit na karanasan.

“Puti talaga. Because it is a blinding white. Because if you talk of heaven, heaven is really like white snow ang kulay. And at the same time, ‘pag sinabi mong puti, it's holy,” sabi ni Rose Saqui representative sa Garin Farm.

May mga pag-alala sa importanteng pangyayari at lugar sa Biblia sa bawat sulok ng Garin Farm, gaya ng Hardin ng Eden at Arko ni Noah.

Habang tumatagal, nagiging mas matarik ang pag-akyat sa mataas na hagdan ng Garin Farm.

Madadaanan din ang ilang kabanata sa buhay ng Panginoong HesuKristo.

Bago naman makarating ang tuktok, may madadaanan na madilim na lagusan na sumisimbolo sa pagkamatay ni Hesus. At sa dulo nito, doon na masisilayan ang napakaputing mga imahen.

Ang isang malaking gate ay sumisimbolo ng Ascension o pag-akyat ni Hesus sa langit.

Ayon kay Dr. Marcelino “Mars” Catan, theology professor ng St. Vincent School of Theology, may kahulugan ang nakasisilaw na liwanag,

“Sa pananampalatayang Katoliko, ina-attribute nga ‘yan na ‘yung tunnel na ‘yun, ‘yung transition mula sa buhay natin, sa ating katawan at pagka nakita na natin ang harap-harapan ang Diyos na siyang ilaw ng mga ilaw, so napakaliwanag,” sabi ni Catan.

Si Ricky Domo-os na isang stroke survivor, ikinuwento ang kaniyang kakaibang karanasan nang malagay siya sa bingit ng kamatayan, at may nakikita na siyang liwanag.

Binisita niya ang Garin Farm ay muli raw niyang naramdaman ang kaniyang naging kakaibang paglalakbay noong araw na nag-agaw-buhay siya. Panoorin sa video ang kabuang kuwento at silipin ang dinadayong pasyalan na ito. – FRJ GMA News