Pinaghahanap ang isang magkaangkas sa motorsiklo matapos nilang hampasin ng helmet sa ulo at suntukin ang isang rider, na maituturing na insidente ng road rage sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang video na kuha ng content creator na si Real Ryan sa bahagi ng Florentino Street corner Maceda Street sa Barangay 519 madaling araw ng Hunyo 1.
Makikitang nakahinto siya noon, nang bigla na lamang siyang hinampas sa ulo, sinuntok at pinagmumura ng kapwa rider.
Kaya kahit nakapula pa ang traffic light, humarurot na lang ang biktima patawid para umiwas sa nanakit na rider.
Bago ang insidente, nakunan sa CCTV ng kabilang barangay ang pag-counterflow sa Florentino Street, na isang one-way street, ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo at parehong mga walang helmet.
Hanggang sa makasalubong ng dalawa ang biktima na nasa tamang daan, na tumigil sa stoplight.
Batay sa kuha ng CCTV, makikita na bumalik ang magkaangkas sa motorsiklo at lumapit sa nakahintong rider.
Dito na pinalo ng angkas ang ulo ng rider gamit ang helmet, habang sinuntok naman siya ng driver ng motorsiklo.
Matapos humarurot palayo ang biktima, muling nag-counterflow ang magkaangkas at lumiko sa isang kanto.
Nakarating na ang video sa Manila Police District, na agad namang nagkasa ng operasyon para mahanap ang rider at ang angkas.
Sinabi ni Chairman Aquilino Sembran ng Barangay 517 na hindi na nila mahanap ang nanakit na rider pero nakipag-ugnayan na sila sa mga kaanak at kaibigan nito.
“Sabi, isu-surrender daw nila dito sa Station 4 tapos dadalhin nila du’n kay Yorme. Mabait naman ‘tong bata na ito… Hindi naman siya talagang permanente dito nakatira. ‘Yan, paiba-iba ang lugar pero nandito ang relatives niya,” sabi ni Sembran.
Nakarating na rin ang report ng insidente sa Land Transportation Office (LTO), na pinahahanap na ang pagkakakilanlan ng motorista at padadalahan ng show cause order.
Ayon sa ahensiya, maikokonsidera itong road rage.
“Ipinag-utos sa Intelligence Division para ma-trace ‘yung motorsiklo para ma-issue-han ng show cause order. After ng hearing, dalawa lang ang pupuntahan niyan. It’s either habaan ‘yung suspension or totally ma-revoke na ‘yung license niya,” sabi ni Assistant Secretary Markus Lacanilao, hepe ng LTO.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng nagrereklamo, habang patuloy ang imbestigasyon ng MPD. —Jamil Santos/KG GMA News
