Nabalot ng takot ang isang barangay sa Salcedo, Eastern Samar dahil sa isang poso na misteryosong nagluluwa ng pulang likido na parang dugo. Hinala nila, kagagawan ito ng kaluluwa ng isang babae na namatay malapit sa lugar.

Sa nakaraang episode ng “Kaposo Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang video ng paglabas ng pulang likido mula sa isang poso na matatagpuan sa likod ng isang boarding house sa Barangay Naparaan.

Ang poso ay pagmamay-ari ng pamilya nina Gyle Enage, na siyang uploader ng video.

Kuwento niya, umaga ng Mayo 19, nang unang natuklasan ni Gyle ang pulang likido sa poso.

“Unang pump ko ng poso, matigas tapos walang lumalabas. Pangatlo, may lumabas, kulay-pula ang likido. Nagulat akong tumayo 'yung balahibo ko. 'Yung amoy naman niya ay parang malansang isda tapos 'yung tapang ng kalawang. Akala ko po talaga dugo,” paliwanag niya.

Mahigit isang dekada na umanong ginagamit ang poso ng mga tenant ni nina Gyle sa boarding house.

Matapos kumalat ang balita na parang dugo ang lumalabas dito, wala nang naglalakas-loob na magbomba sa poso.

Bago nito, nakaranas na umano si Gyle ng mga kakatuwang karanasan sa paligid ng poso.

“Madalas po kaming nag-iigib, hatinggabi at saka sa madaling araw. Meron pa akong nararamdaman dito na may nakatingin sa iyo, may nagbabantay. Tumatayo ‘yung balahibo ko po. Parang nasa likod mo lang, dinadaan-daanan,” ani Gyle.

Kalaunan, mas tumindi pa ang mga pagpaparamdam umano.

“Noong unang beses kong nakita is dito po sa bandang ito. Babae po, pale skin, puti 'yung damit. Nagulat ako, ‘di ako nakagalaw. Gusto ko sumigaw, ‘di ako nakasigaw. Pagkamulat ng mata ko, nawala na,” sabi pa niya.

Matapos nito, nagkaroon ng power shortage kaya kinuha ni Gyle ang kaniyang flashlight para ilawan ang kanilang bahay.

“Nagulat ako, biglang namatay muna. Tapos pinukpok ko, ayun, na-open. Noong pagkatutok ko po sa harapan ng bahay namin, andu’n na ‘yun, nasa itaas na, lumulutang,” kuwento pa niya.

Pati ang kaniyang ibang mga tenant, nakaranas din ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari.

Ang dati nilang border na si Ambert Cordero, nakarinig umano ng mga yabag.

“Noong nakatulog ako, nakarinig ako ng mga footstep. Tapos parang may nag-iigib. Sinubukan kong lumabas. Tapos tinitingnan ko sa labas, wala namang tao,” sabi ni Ambert.

Pakiramdam niya, sinusundan din siya ng nagpaparamdam na kaluluwa sa poso.

Katunayan, nakunan umano ito sa isang litrato sa kanilang eskuwela ilang metro lang ang layo mula sa poso.

Sa larawan, makikita ang isa sa mga babaeng kaklase ni Ambert. Sa likod nito, mapapansin ang isang tila imahe ng babae na may mahabang buhok.

“Nagulat din kami kasi kami lang naman nandu’n. May pagkakahawig sila noong dito sa may boarding house. Ganon kasi ang ano niya, kalahati lang 'yung mukha na nakikita,” sabi ni Ambert.

Pagkasuri ni Gyle sa litrato, nagkakutob siya na ito ang dati nilang boarder.

“Nagdadalang tao po siya, nag-suicide, baka ‘di po siguro natatahimik,” sabi ni Gyle.

Sa paglilibot ng team ng KMJS, nakarating sila sa Barangay Cagaut at nakilala ang ina ng sinasabing namatay na babae na dating boarder nina Gyle.

Nag-aaral pa ito noon ng kolehiyo nang mangupahan sa boarding house.

Ayon sa ina, hindi niya sigurado kung nabuntis ang kaniyang anak at natagpuan na lamang na wala nang buhay sa boarding house.

Nang makita ng ina ang litrato, sinabi niyang kahawig nga ito ng kaniyang pumanaw na anak.

Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng isang photo and video editor tungkol sa larawan na may babaeng hinihinalang multo, at ang resulta ng pagsusuri ng mga kawani ng DENR at isang private water testing laboratory sa tubig na pula na lumabas mula sa poso. Panoorin. –FRJ GMA News