Patay na nang matagpuan sa ilog ang magtiyuhin na ilang araw na hindi nakauwi mula nang magtungo sa kanilang taniman sa Kapangan, Benguet.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing natagpuan ang bangkay ng magtiyuhin na edad 48 at 30, sa bahagi ng Pey-og river sa Barangay Boklaoan noong Sabado ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo ang mga biktima na residente rin ng nasabing barangay sa kanilang taniman na malapit sa ilog noong umaga ng Mayo 27.

Nagpasya umano ang dalawa na manghuli ng isda sa ilog at maaring tinangay ng malakas na agos dahil umulan nang panahon iyon.

“Sanay na sila na hindi umuuwi kasi may shanty sila doon. Pero noong natagaln, halos four days yata, nag-alala na yung parents nung isa (biktima),” ayon kay Mark Carino, operations officer, Kapangan-DRRMO.

Hanggang noong Sabado, nagpasya ang isang kaanak na hanapin ang dalawa at nakita ang tsinelas ng mga biktima sa tabing-ilog.

Doon na sila humingi ng tulong sa mga awtoridad para mahanap ang dalawa.

Ayon kay Carino, nasa state of decomposition na ang mga bangkay nang matagpuan sa ilog.

Hindi na pina-autopsy ang bangkay ng dalawa dahil naniniwala ang mga kaanak na nalunod ang mga biktima. – FRJ GMA News