Ilang araw bago magpasukan, mabagal ang bentahan ng ilang school supplies sa kabila ng mababang presyo nito sa Divisoria, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng tinderang si Ben Jhon Ballos, na nag-umpisa silang magbenta ng school supplies noon pang ikalawang Linggo ng Mayo.

Ayon sa kaniya, mababa pa rin ang presyo ng ilang school supplies kumpara noong nakaraang taon.

Batay sa price list sa Ylaya, mabibili ang kada piraso ng notebook ng P15 hanggang P35 para sa elementary hanggang senior high school, habang nasa P230 ang para sa college.

Nasa P50 hanggang P80 naman ang mga krayola. Halagang nasa P10 ang ballpen, pero mabibili ang bundle na apat na piraso ng P25.

Halagang P15 naman ang lapis, pero P100 ito kung bibilhin ng isang dosena.

May mga gunting na mabibili sa halagang P15 hanggang P70.

Mabibili ng P150 hanggang P250 ang mga backpack, habang nasa P500 ang may gulong.

May mga itinitinda ring black shoes na mabibili ng P400 hanggang P500.

Sinabi ni Ballos na bagama’t mura, sinisiguro nilang ligtas gamitin ng mga bata ang mga ibinibenta nilang school supplies.

“Hindi naman po masyadong matumal, pero hindi rin po masyadong mabenta.. ‘Yung iba kasi wala pang binigay ng teacher kaya ‘yung iba pakonti-konti lang mga binibili, mga abubot lang,” sabi ni Ballos.

Hinikayat ng mga tindera ang publiko na maiging bumili na ngayon dahil posibleng tumaas ang presyo ng school supplies habang papalapit ang pasukan.

Nakatakdang magbukas ang School Year 2026-2027 sa Lunes, Hunyo 8, ayon sa Department of Education. —Jamil Santos/KG GMA News