Hindi na naman sumipot sa sesyon ng Senado ngayong Martes ang mga miyembro ng majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano. Habang kompleto naman ang 11 kasapi ng minority bloc ni Sen. Tito Sotto.
Ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, kasapi ng minority bloc, ipinaalam ni Senate Secretary Jose Luis Montales sa kanilang kasapi ng minority bloc na hindi sisipot sa Senado ang majority bloc.
Dahil dito, walang sesyon na nangyari at hindi naaksyunan ang mga panukalang batas na dapat na talakayin.
"Tumawag daw si Alan [Cayetano], ‘di raw sila darating," sabi ni Zubiri sa mga mamamahayag.
Kinumpirma naman ni Francis 'Kiko' Pangilinan na ipinaalam ng Secretariat ng Senado ang pagliban ng mga senador ng mayorya, ngunit wala itong ibinigay na dahilan.
"Walang paliwanag basta hindi sila darating," ani Pangilinan.
Nitong Lunes, hindi rin dumating sa plenaryo ang mga miyembro ng majority bloc matapos arestuhin si Sen. Jinggoy Estrada, dahilan upang matigil ang mga pagdinig at iba pang gawain ng Senado.
Humingi ng paumanhin si Pangilinan sa mga taong nasa gallery ng Senado. Matapos nito, nagtungo ang mga senador ng minorya sa lounge upang magsagawa ng pulong.
Sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na sayang ang ipinapasahod ng mga mamamayan sa paraan ng buwis sa kanilang mga senador na hindi pumapasok.
"Maghihintay at the same time magdarasal na pumasok sila," ani Tulfo.
Kailangan ang majority block -- partikular ang Senate President o Senate Pro-tempore-- upang buksan nito ang deleberasyon ng sesyon. Kailangan din na dumalo sa sesyon ang mayorya ng 24 na senador upang maging balido ang mga aaprubahan nila sa plenaryo.
Sa bilang na 24, kailangan na hindi bababa sa 13 senador ang dumalo sa sesyon. Ngunit sa ngayon, 11 lang ang kasapi ng minorya, at 11 din sa mayorya dahil nakakulong ang isa nilang miyembro na si Sen. Jinggoy Estrada, habang nagtatago naman si Sen. Bato Dela Rosa, dahil mayroon siyang arrest warrant mula sa International Criminal Court. — FRJ GMA News
