Nagsagawa ng sesyon ang grupo ni Senador Tito Sotto sa Senado nitong Miyerkoles at inihalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang acting Senate President at Senate President Pro-Tempore. Ang grupo ni Sotto ang bagong mayorya na may 12 miyembro matapos sumama sa kanila si Senador Francis “Chiz” Escudero, at makabuo ng "quorum."

Dahil sa paglipat ni Escudero sa grupo ni Sotto, magiging 10 na lang ang mga senador na nasa panig ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Matapos ihalal si Gatchalian bilang acting Senate President at Pro-tempore, isa-isa ring inihalal ang mga bagong lider ng bawat komite.

Matapos ang botohan ng mga bagong lider ng komite, tinapos na ang sesyon “sine die,” at muling magbubukas sa July 27, 2026, kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pulong balitaan matapos ang sesyon, ipinaliwanag ni Sen. Erwin Tulfo, na si Cayetano pa rin ang Senate President dahil kulang sila ng isang boto para makabuo ng 13 na boto upang tuluyang mapatalsik ang huli sa posisyon nito.

Gayunman, hindi umano kailangan ang 13 boto upang maghalal ng iba pang opisyal sa Senado gaya ng pagtatalaga kay Gatchalian bilang acting acting SP Pro-tempore. -- FRJ GMA News