Muling makukulong ang dalawang lalaki dahil sa pangho-holdap sa isang junk shop sa Barangay Talipapa, Quezon City. Ang isa sa kanila, nadulas kaya nahabol ng biktima.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inaresto ang isa sa mga suspek na 33-anyos na lalaki nitong Lunes.

Nadulas pa ang suspek habang papatakas, kaya nahabol ng biktima at nadakip ng pulisya kalaunan.

“Doon na nagkaroon ng oportunidad ang victim na makipagbuno at humingi ng tulong sa natutulog niyang kapatid. Nagkataon naman na may mga dumaang kabataan at nakita ‘yung komosyon, na agad pumunta sa ating estasyon,” sabi ni Police Captain Elvin Olmedillo, hepe ng Talipapa Police Station Investigation and Detective Management Unit.

Samantala, boluntaryo namang isinuko sa estasyon ng pulisya ng mga kaanak nitong Martes ang kasabwat niya na 32-anyos na lalaki na nakatakas noong una.

Lumabas sa imbestigasyon na nagbabantay ang may-ari ng junk shop nang dumating ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

“Nagtanong kung magkano raw ang presyo ng tanso. Kaya lang noong nakita na mag-isa lang ‘yung nagbabantay, doon na pumasok ‘yung mga suspek at agad naglabas ng baril at nagdeklara ng holdap,” sabi ni Olmedillo.

Nabawi mula sa mga suspek ang ninakaw na P1,500 na pera, baril na kargado ng mga bala at dalawang motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na magkapitbahay ang mga suspek.

“Ang modus nila ay lagyan ng putik ang plate numbers ng mga motorsiklo para kung sakaling mahagip ng CCTV camera ay hindi agad makikilala, may dalang sako at doon nga magpapanggap na nagbebenta ng tanso. So kapag nakakita talaga ng mga oportunidad at mag-isa lang ang nagbabantay, doon sila sasalakay,” sabi pa ni Olmedillo.

Nabilanggo na rin noon ang mga naarestong suspek dahil sa illegal possession of firearms. Dati na ring nakasuhan ang isinukong suspek dahil sa pagnanakaw at ilegal na droga.

“Sa korte na lang namin pag-uusapan ‘yun sir,” sabi ng isa sa mga suspek.

“Hindi po totoo ‘yun sir. Lahat ng paliwanag namin sa korte na lang po sir,” sabi ng isa pang suspek.

Iniimbestigahan kung sila rin ang mga nangholdap sa isang junk shop na nakunan sa CCTV noong Abril sa Barangay Baesa sa Quezon City rin.

Ayon sa pulisya, tugma ang sinakyang motorsiklo, sa motorsiklo na nakuha sa mga suspek, na mahaharap sa reklamong robbery. Ang isa sa kanila, may karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na kakaharapin. – Jamil Santos/FRJ GMA News