Sinibak sa puwesto ang pulis na viral sa pagdakip sa nakabanggaang senior citizen na driver, matapos niyang pagsabihin si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan na siyang gamitin sa pagpapa-pogi sa media.
“Huwag po tayong magpa-pogi sa media sir. ‘Yun lang po ang masasabi ko rito,” sabi ni Police Corporal Simeon Suan sa isang punong balitaan, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes.
“Sana naman po sir ganito, mabigyan niyo ako ng chance. Mali-mali po ‘yung sinasabi niyo sir. Hanggang ngayon wala pong binabayad sa akin kahit singko,” pagpapatuloy ni Suan.
Tugon ni Calinisan sa pulis, “Wala pala eh. So be it.”
Muli namang nagsalita si Suan at sinabing, “Huwag niyo po sana akong gawing instrumento dito para magpapogi kayo sa media.”
“Hindi kami nagpapapogi rito,” depensa ni Calinisan.
Bago nito, mapanonood sa viral video ang paghatak at pilit na pagpapababa ni Suan sa isang senior citizen na utility van driver.
Nang mapababa ang senior citizen, pilit siyang pinosasan ng pulis.
Humantong ito sa pakikipagpambunuan ng dalawa bago maposasan ng driver.
Ayon kay Suan, tinangka siyang sagasaan ng nakabangaang driver.
Tinanggal sa puwesto si Suan, na miyembro ng Regional Police Mobile Force Battalion sa Region 4A, at isinailalim sa restrictive custody.
Sinabi ng NAPOLCOM na dati nang may kasong administratibo si Suan pero hindi na-dismiss, bagay na kanilang iimbestigahan.
“The National Police Commission will be happy to dismiss these types of errant cops. Until our policemen understand that we cannot do this to our Filipino people. Matanda babastusin. NAPOLCOM Commissioner babastusin. Nasaan na ba ang respeto natin dito, Corporal Suan? Kaya nawawalan ng tiwala ang taong bayan sa pulis gaya mo, gawa mo. Hindi ka dapat maging pulis,” mensahe ni Calinisan kay Suan. – Jamil Santos/FRJ GMA News
