Dinakip ang isang lalaki na may dalang itak matapos na mag-amok at puwersahang pumasok sa isang paupahan sa Barangay San Luis, Antipolo City. Ang lalaki, umamin sa ginawa pero sinabing dinipensahan lamang niya ang sarili.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na pinaligiran ng mga tanod sa lalaki nitong Martes. Ayon sa barangay official, puwersahang pinasok ng suspek ang isang paupahang bahay ng kaniyang amain para hanapin ang kaniyang asawa.
“Ang ginawa niya po roon, ‘yun nga po 'yung pagmumura, pagbibintang na tinatago nga raw po 'yung asawa. Pagpasok po tatagain niya po 'yung lalaki na nakatira sa loob. Agad naman pong itinulak ng lalaki palabas 'yung tao. Ngayon po hanggang nasara niya po 'yung pinto,” sabi ni Meliton Pablo Jr., team leader ng Team Alpha, BPSO, Brgy. San Luis.
Tumawag sa barangay ang lalaking nangungupahan sa bahay kaya nadakip ng mga awtoridad ang 39-anyos na suspek.
Narekober sa suspek ang hawak niyang itak na nasa 18 pulgada ang haba.
“Sumama naman po siya sa amin nang kusa. Inabot niya po sa amin sa kasama ko 'yung kaniyang dala-dalang bolo. Nu’ng nahuli po namin siya ay lasing, lango,” sabi ni Pablo.
Umamin ang suspek sa panggugulo at sa dalang itak, pero ayon sa kaniya, dumepensa lang siya.
Una umanong nanutok ng patalim ang lalaking nangungupahan na kakausapin lang sana niya.
“Sabi ko, ‘Pre labas ka na lang diyan kasi dito tayo mag-uusap sa labas. Ngayon, hindi siya lumalabas. Biglang nagalit sa akin. Ang ginawa niya, biglang bumunot ng patalim niya. Ngayon, umatras po ako ma’am kasi hinabol niya po ako. Ngayon bilang depensa po sa sarili ko, pumunta ko ru’n sa bahay ng tatay ko. Kumuha rin ako ng isang itak din,” sabi ng suspek.
“Sinisiraan niya ako roon sa mga kapitbahay ko. Keyso wala raw akong kuwentang tao, kesyo galing akong kulungan. Marami siyang sinasabi sa akin na paninira,” sabi pa ng lalaki.
Sinusubukan pa na GMA News na kunan ng panig ang lalaki.
Sinabi ng barangay na dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa panghahabol umano ng saksak.
“Noong last year po, 'yung aming mga kasamahan na BPSO, hinabol niya rin po ng saksak. Tapos sumunod po noon, mga ilang buwan lang po, meron naman po siyang pinasok na bahay na mga minor na tinutukan niya po ng kutsilyo,” sabi ni Pablo.
Nakadetine sa custodial facility ng Antipolo Police ang suspek, na mahaharap sa reklamong grave threat and trespass to dwelling. – Jamil Santos/FRJ GMA News
