Kahit sa teritoryo ng San Antonio Spurs ginawa ang laban, naibulsa pa rin ng New York Knicks ang unang panalo sa Game 1 ng kanilang sagupaan sa NBA Finals sa iskor na 105-95.

Sa kabuuan ng 30 puntos na nagawa ni Jalen Brunson, 13 sa mga ito ang ipinukol niya sa fourth quarter ng laro upang pangunahan ang pagbangon ng Knicks mula sa 14-puntos na pagkakabaon sa ikatlong quarter, at tuluyang talunin ang Spurs.

Nag-ambag naman si Karl-Anthony Towns ng 18 puntos at 12 rebounds, habang naitala ng Knicks ang kanilang ika-12 sunod na panalo sa playoffs, na tabla para sa ikalawang pinakamahabang winning streak sa kasaysayan ng postseason ng NBA.

Tinapos ng New York ang laro sa pamamagitan ng 11 magkakasunod na puntos sa kanilang unang pagpasok sa NBA Finals mula pa noong 1999.

Nagtala naman si OG Anunoby ng 17 puntos, na ang 12 ay nagawa niya sa ikaapat na quarter. Hindi rin nakagawa ng kahit isang turnover ang Knicks sa huling yugto ng laban.

Habang ang Spurs, limang beses na naiwala ang bola sa huling 12 minuto ng laro. Nagtala lamang sila ng 28.6% shooting (6 sa 21 tira) at natalo sa scoring, 29-19, sa ikaapat na quarter.

Pinangunahan ni Victor Wembanyama ang Spurs na may 26 puntos, 12 rebounds, at tatlong blocked shots. Ngunit nahirapan siya sa kaniyang shooting matapos maipasok lamang ang 6 sa 21 field-goal attempts.

Hindi rin naging sapat ang ambag ni Stephon Castle na nagtala ng 17 puntos at walong rebounds, habang nagtala sina Julian Champagnie ng 16 puntos at 10 rebounds, at Dylan Harper ng 16 puntos mula sa bench.

Gaganapin pa rin ang Game 2 ng best-of-seven series sa teritoryo ng Spurs sa San Antonio sa Biyernes ng gabi. – Field Level Media/Reuters/FRJ GMA News