Kinagigiliwan ngayon online ang isang orange na kunwaring nagsasalita at gustong mapalitan ang pangalan bilang “Sharmaine,” na siyang pangalan ng aktres na si Sharmaine Arnaiz. Ano naman kaya ang pangalan na gusto ng aktres kung magpapalit siya? Alamin.

Sa GMA show na Unang Hirit nitong Huwebes, hiningan ng mga host ng reaksyon ang aktres na Sharmaine tungkol sa viral ngayong tukayo niyang orange na kunwaring nagrereklamo dahil hindi umano pinag-isipan ang ibinigay na pangalan sa kaniya.

BASAHIN: Isdang 'tampalpuke,' maka-relate kaya kay 'Sharmaine the orange'?

“Ang daming nag-message sa akin, mga nag-forward. Noong una naguluhan ako. ‘Ano ba ang nangyayari? Bakit naging Sharmaine ‘yung Orange?’” natatawang sabi ni Sharmaine.

“Natakot ako, sabi ko ‘Ano kaya ang nangyayari?’ ‘Yun pala, gusto lang nilang ipangalan ang Sharmaine sa orange,” pagpapatuloy ng aktres.

Nagpabirong tanong si Arnold “Igan” Clavio kung pinayagan daw ba ni Sharmaine na magamit sa orange ang kaniyang pangalan?

“I don’t have the rights eh,” birong tugon naman ni Sharmaine, na dinugtungan ng ibang host na walang copyright ang aktres sa pangalang Sharmaine.

Pero ayon sa aktres na si Sharmaine, ang totoo ay allergic siya sa orange at sa iba pang citrus na pagkain.

“Sa totoo lang, allergic ako sa orange. Lahat ng mga citrus allergic ako, ‘pag nakain lang,” paliwanag niya.

Ngunit kung magpapalit ng pangalan si Sharmaine the actress, wala raw problema kung tawagin naman siya “Orange” Arnaiz.

“‘Yun na nga lang ‘yung kapalit. Sige, papayag ako na gagawing Sharmaine ‘yung orange. Pero ako, dapat Orange Arnaiz na,” natatawang sambit ng aktres.

Tunghayan sa Unang Hirit ang “Sharmaine” Chicken Adobo na luto ni Sharmaine Arnaiz. Panoorin. – FRJ GMA News