Nasungkit ni Alexandra “Alex” Eala ang kampeonato sa WTA 125 Birmingham Open matapos talunin si Nikola Bartunkova sa isang mahigpit na laban, 5-7, 6-3, 7-5, nitong Linggo.
Bagaman matalo sa mahigpit na unang set, bumawi si Eala sa ikalawang set sa pamamagitan ng mas dominante niyang paglalaro.
Nakakuha siya ng 5-2 na kalamangan bago nakabawi si Bartunkova sa kaniyang pag-serve upang mapahaba pa ang set. Gayunman, agad na itong tinapos ni Eala upang maipuwersa ang deciding set 3.
Sa ikatlong set, maagang nakalamang si Bartunkova ngunit tumugon si Eala sa pamamagitan ng panalo sa tatlong sunod na laro upang makuha ang 4-2 na bentahe.
Nakabawi ang manlalarong Czech at naitabla ang set sa nakakakabang iskor na 5-5.
Sa kabila ng kritikal na laro, matagumpay na napanatili ni Eala ang kaniyang pag-serve upang umabante sa 6-5 bago niya na-break ang serbisyo ni Bartunkova sa huling laro upang maselyuhan ang kampeonato.
Ito ang ikalawang titulo ni Eala sa WTA 125, matapos ang kaniyang tagumpay sa Guadalajara 125 tournament noong Setyembre ng nakaraang taon.
—FRJ GMA News

