Binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang isang permanent mental health hub upang mapalawak ang counseling services at mapalakas ang suporta para sa mga residenteng nangangailangan ng pangangalaga sa kanilang mental health.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, inanunsyo ni Mayor Leni Robredo ang pagpapasinaya sa bagong pasilidad na magsisilbing tahanan ng ANGAT KAHIMATI Mental Health Program ng lungsod.

Sinimulan ang programa noong 2024 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Angat Buhay, Konsehal Gayle Abonal Gomez, at ng Ateneo de Naga Department of Psychology. Una itong nag-operate sa dating tanggapan ng Angat Buhay bago inilipat sa isang silid sa Jesse Robredo Center for Good Governance.

Nang manungkulan si Robredo bilang alkalde, nagpasya ang pamahalaang lungsod na gawing opisyal na programa ng lungsod ang ANGAT KAHIMATI at maghanap ng permanenteng lugar para sa mental health counseling sessions.

“When I assumed office, we wanted to adopt it as a City Program and we wanted a more permanent and appropriate space for our Mental Health Counselling Sessions,” anang alkalde.

Itinatag ang bagong sentro sa dating Green Room sa ikatlong palapag ng Raul S. Roco Library, isang lugar na dati ring ginamit bilang karugtong ng tanggapan ng alkalde.

Ayon kay Robredo, naisagawa ang pagsasaayos ng pasilidad nang walang gastos sa pamahalaang lungsod.

“We were able to transform the place without cost to the City Government. Thanks to the Angat Buhay partners,” saad ng alkalde.

Pinasalamatan din ni Robredo ang Ateneo de Naga Department of Psychology, si Dr. Apons Belmonte, at iba pang katuwang upang maisakatuparan ang programa.

Ayon sa pamahalaang lungsod, makatutulong ang bagong sentro upang higit pang mapalakas ang mga serbisyo ng Mental Health Unit ng City Health Office II at makapagbigay ng mas angkop na lugar para sa mga sesyon ng mental health counseling. – FRJ GMA News