Sa kulungan ang bagsak ng isang motorcycle taxi rider matapos niyang nakawin ang cellphone ng isang lalaking natutulog sa closed van sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang pagliko ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo saka huminto sa likurang bahagi na nakaparadang closed van sa Samar Avenue.
Hindi nakunan sa CCTV ang pagbaba ng lalaki sa motorsiklo, ngunit makikita siyang naglakad papalapit sa passenger side ng sasakyan.
Maya-maya pa, nakasakay na ulit ang lalaki sa motorsiklo, nilapitan ang driver's side, na tila may kinuha saka mabilis na tumakas.
Sinabi ng pulisya na natangay ang cellphone ng driver na mahigit P40,000 ang halaga.
“Habang inaantay niya 'yung asawa niya, natulog muna siya doon sa loob… Ngayon, napansin niya na may kumuha doon sa cellphone niya kasi nu’ng natulog siya, naka-open kasi 'yung bintana. At ‘yun, nu'ng nakuha 'yung cellphone niya, tinangka niya pang habulin actually 'yung suspect. Kaso ‘di niya na mahabol,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, commander ng Kamuning Police Station.
Nadakip ang 37-anyos na suspek sa follow-up operasyon ng pulisya sa Taytay, Rizal. Nabawi sa kaniya ang ninakaw na cellphone at sinakyang motorsiklo.
“Nu'ng nalaman ng biktima, still 'yung GPS ng cellphone na naka-on pa and pumipitik doon sa Taytay, immediately pumunta kami doon sa Taytay. At ‘yun nga, nahuli namin 'yung suspect in possession pa doon sa cellphone ng biktima. Then in-identify, ‘yun talaga ang itinuro ng biktima. Siya talaga 'yung kumuha doon sa cellphone,” sabi ni Belista.
Umamin ang suspek sa krimen.
“Ginawa ko po. Ako po 'yung nagnakaw. Natukso lang po ako, sir. ‘Di ko naman po talaga gawain 'yung ganyan, sir. Nagkataon lang po, parang naakit lang po ako na kuhain 'yung cellphone... Gagamitin ko po sa trabaho, sir,” sabi ng suspek.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa kasong paglabag sa Violence Against Women and their Children Act.
Sinampahan ang suspek ngayon ng reklamong theft at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. —Jamil Santos/AOL GMA News
