Nagtamo ng mga sugat ang dalawang lalaking magkapatid matapos silang pagsasaksakin ng isang lalaking nakasagi sa kanila sa isang sayawan sa Ozamiz, Misamis Occidental.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa viral video na duguan ang isa sa mga biktima samantalang nakasaksak pa ang patalim sa kaniyang likod.

Tatlong saksak naman ang tinamo ng kaniyang kapatid.

Lumabas sa imbestigasyon na nasagi ng suspek ang isa sa mga biktima habang nagsasayaw.

Hanggang sa bigla siyang sinakal ng kapatid ng kaniyang nabangga, na humantong sa kaguluhan at pananaksak kalaunan.

Sinabi ng pulisya na isinuko ang suspek ng kaniyang mga magulang.

Nasa mabuting kondisyon na ang magkapatid.

Parehong walang pahayag ang magkapatid at ang suspek.—Jamil Santos/AOL GMA News