Matapos idispatsa ang world No. 2 na si Elena Rybakina, ang world No. 8 naman na si Elina Svitolina ang pinatalsik ng world No. 35 na si Alexandra “Alex” Eala sa Berlin Tennis Open sa iskor na 6-3, 6-4, sa kanilang laban nitong madaling-araw ng Sabado (oras sa Pilipinas).

Sa kaniyang tagumpay, umabante ang Pinay tennis star sa semifinals at makakaharap naman niya ang manlalarong Czech na si Linda Noskova, na world No. 13.

Nakalamang kaagad si Eala ng 3-0 sa unang set bago nakapuntos si Svitolina. Natapyasan ng Ukrainian tennis star ang agwat sa 4-3, ngunit agad na tumugon si Eala na naipanalo ang sumunod na dalawang laro upang makuha ang set.

Naging mahigpit naman ang labanan sa simula ng ikalawang set, na nagtabla ang dalawang manlalaro sa 2-2. Ngunit kalaunan ay rumatsada si Eala at lumamang ng 5-2, isang laro na lamang ang layo mula sa panalo.

Lumaban pa si Svitolina at nagwagi sa dalawang sunod na laro, ngunit nanatiling matatag si Eala at tuluyang sinelyuhan ang tagumpay sa ikalawang set.

“I've been watching her since I was a kid, so to be able to compete with her today is such an honor. I really admire her. She's a mother, and I find her to act with such elegance and strength. I'm really lucky to have had this match today,” ayon kay Eala.

Ang panalong ito ang ikalawang sunod na tagumpay ni Eala laban sa Top 10 players sa Berlin, at ikaanim sa kabuuang nakalaban niya na Top 10 players sa WTA Tour.

Sa Round of 16, pinatalsik ni Eala sa torneo ang world No. 2 na si Rybakina sa iskor na 7-5, 6-4 nitong Huwebes.

Kung mananalo si Eala kay Noskova, makakaharap ng Pinay tennis star sa finals ang mananalo sa laban ng world No. 1 na si Aryna Sabalenka at world No. 4 na si Jessica Pegula. – FRJGMA News