Ilang grupo ng mga employer ang tutol sa P85 na umento sa sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila. Gayunman, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may mga nakasaad na exemption sa wage order.
Sa ulat ni Raffy Tima sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na bagama't kinikilala ng mga negosyo ang pangangailangan na itaas ang sahod ng mga manggagawa, naniniwala silang mali ang naging batayan sa halagang idadagdag sa minimum wage.
BASAHIN: P695 na daily minimum wage sa Metro Manila, dadagdagan ng P85 -- DOLE
“Unfortunately, we dissented kasi ‘yung mga formulang ginagamit natin, which is regular - ‘yung inflation, ‘yung mga measures, marami ‘yan eh. Palagay namin mali dahil ngayon kasi it is not a normal situation,” paliwanag ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis, Jr.
“Mayroon giyera, tumaas ang gasolina, tumaas ang inflation. So ‘pag in-average ‘yung inflation, nag-aantay sa 6.8 eh. Hindi naman normal ‘yun,” dagdag niya.
Ayon sa ECOP, iminungkahi nila sa Tripartite Board ang P60 na umento sa sahod, na ipatutupad din sana sa dalawang bigayan (tranches).
Iginiit din ng grupo na maliit lamang na bahagi ng mga manggagawa ang makikinabang sa ipinag-uutos na dagdag-sahod. Anila, 84% ng labor force sa bansa ay kabilang sa informal sector.
Sa natitirang 16%, sinabi ng ECOP na 90% ay nagtatrabaho sa mga micro-enterprises na hindi umano kayang pasanin ang P85 na dagdag-sahod.
“Ilan lang yung kayang-kaya ‘yan. Baka yung large na wala pang 1 % saka yung medium na 1%. Even this small na 9%, hindi kaya ‘yan this time lalo pa ngayon na ika nga ang investors natin nangawala na, pwede turista. Lalagyan mo pa na ganyan kalaki, lalo mawawala yung investment,” sabi pa ni Ortiz-Luis, Jr.
Malaki rin umano ang posibilidad na ipasa ng ilang kumpanya ang dagdag na gastos sa kanilang mga mamimili sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto o serbisyo.
Samantala, sinabi ng Federation of Philippine Industries (FPI) na bagama't nagsisimula pa lamang makabawi ang manufacturing industry, agad na itong nahaharap sa dagdag na pasanin dahil sa ipinatupad na wage hike.
Dagdag pa ng FPI, kasabay nito ang patuloy na pagtaas ng gastos sa enerhiya at logistics, na maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga kumpanya na mapanatili ang kanilang mga empleyado at manatiling kompetitibo.
Gayunpaman, ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, may mga exemption na nakasaad sa wage order.
“So ‘yung mga may 15 employees and below can seek an exemption. Ano ‘yun — mga pumapasok sa barangay, micro enterprises law, P3M and below ang kanilang capitalization, hindi kasama ‘yun. So ‘yung mga maliliit ay kinilala talaga ng wage order,” paliwanag ni Tolentino.
Iginiit din ni Tolentino na isinasaalang-alang ng Tripartite Board ang lahat ng mahahalagang usapin bago ito nagpasya, kabilang ang nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.
“Number 1 consideration, ‘yung pagkahirap lalo na ng ating mga manggagawa lalong-lalo na sa pang-araw-araw na gastusin at bilihin. Hindi pa tapos ‘yung sa Middle East, ’di ba? So lahat ‘yun kinonsider,” anang kalihim. –Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News

