Muling nakita sa Mt. Apo Natural Park ang isang pambihirang halaman na namumulaklak na mahigit 122 taon na ang nakararaan nang huling maidokumento sa lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ng mga miyembro ng monitoring team mula sa Protected Area Management Office (PAMO) ang halaman habang nagsasagawa sila ng regular wildlife monitoring.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Davao (DENR-11), napansin ng grupo ang isang napakaliit na namumulaklak na halaman habang kinukuha nila ang mga camera trap sa kahabaan ng isang forest trail.
Sa kabila ng maliit nitong sukat, kaagad itong nakatawag ng pansin sa grupo.
Matapos suriin ang halaman, kinilala ito bilang Ophiorrhiza biflora, isang species na sa Pilipinas lang matatagpuan. Unang itong nakuha sa Mt. Apo noong Oktubre 1904 ng Amerikanong botanist na si Edwin Bingham Copeland.
Ayon pa sa DENR-11, kabilang ang Ophiorrhiza biflora sa pamilyang Rubiaceae, na kinabibilangan din ng kape, gardenia, mussaenda, at santan.
Naitala na rin ang species na ito sa Benguet at Negros, ngunit sinabi ng DENR-11 na ang natagpuan sa Mt. Apo ang kauna-unahang matagumpay na photographic documentation ng halaman.
Isa itong mahalagang tagumpay na botanical research sa Pilipinas.
Itinuturing ding napakahalaga ng muling pagkakadiskubre dahil pinatutunayan nito na nananatiling buhay ang isang halamang katutubo sa Pilipinas na mahigit isang siglo nang hindi naitala sa Mt. Apo.
“It also reinforces Mount Apo Natural Park's status as one of the country's important biodiversity hotspots and further strengthens its bid for UNESCO Global Geopark recognition,” ayon sa DENR-11.
Nangyari ang pagkakadiskubre matapos ding maitala noong 2025 ang isa pang pambihirang species ng halaman na Agalmyla calelanensis, na unang naitala sa Mt. Apo noong 1909.
“These remarkable discoveries underscore the enduring richness of Mount Apo's forests and highlight the importance of sustained biodiversity monitoring, scientific research, and habitat protection in conserving the Philippines' unique natural heritage,” ayon sa DENR-11. – FRJ GMA News

