Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang nakawan ng halos P126,000 halaga ng automotive parts ang pinapasukan niyang auto repair shop sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nagpunta na ang lalaki bago mag-6 a.m. nitong Martes kahit hindi pa bukas ang isang auto repair shop.

Sunod nang nahagip sa CCTV na abala ang lalaki sa pagsisilid ng mga gamit sa isang sako. Saka siya umalis habang dala-dala ang sako.

Natuklasan ng may-ari ang pagnanakaw, nang binuksan na niya ang auto repair shop bandang 8 a.m.

“Dumulog sila dito po sa ating estasyon at agad po kami nagsagawa ng imbestigasyon. Nagpunta po kami doon sa kaniyang repair shop. Nagreview po tayo ng CCTV at napag-alaman po namin na ang suspek po natin ay empleyado din po niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, Commander ng Batasan Police Station.

Naaresto ang 18-anyos na suspek na isang taon ng empleyado sa auto repair shop sa follow-up operasyon ng Batasan Police.

“Natunton po natin 'yung salarin sa kaniyang mismong tahanan at narecover din po natin sa kaniya 'yung mga gamit na ninakaw po niya,” sabi ni Tubiera.

Abot sa P126,000 na halaga ng automotive parts at specialized tools ang ninakaw ng suspek, na umamin sa krimen.

“Wala po kasi akong pera. Ibibili ko ng pagkain,” sabi ng suspek. “Pagpasensiya naman po. Mali naman po ako eh."

Mahaharap ang suspek sa reklamong qualified theft. — Jamil Santos/VBL GMA News