Nasawi ang isang siyam na taong gulang na lalaki matapos mahulog mula sa inakyat niyang traktora sa bukid at tamaan ng umiikot nitong talim habang ginagamit sa pag-aararo sa bukid sa Barangay Amistad sa Tayug, Pangasinan
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Cental Luzon nitong Miyerkoles, sinabi ng Tayug Police Station na umaandar ang traktora nang maganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, batay sa salaysay ng driver ng traktora, ilang beses daw niyang binalaan ang limang batang naroon-- kabilang ang biktima-- na lumayo sa traktora.
Pero habang nag-aararo ang driver, hindi umano nito napansin na umakyat pala ang bata sa rotor ng traktora, nadulas, at aksidenteng dumikit sa umiikot na talim.
Kaagad umanong isinugod ng driver ang bata sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Ayon sa pulisya, nakipag-usap na ang driver sa pamilya ng biktima at nangakong magbibigay ng tulong-pinansyal.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at driver ng traktora, ayon sa ulat. – FRJ GMA News

