May kuwela pero praktikal na dahilan si Eric Fructuoso kung bakit niya ipina-tattoo sa braso ang mga petsa ng kapanganakan ng kaniyang mga anak. Alamin kung bakit ito ginawa ng aktor na kilala noon bilang miyembro ng grupong “Gwapings!”

Sa kaniyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, natanong si Eric tungkol sa edad ng kaniyang mga anak. Dito na tiningnan ng aktor ang mga numerong tattoo sa kaniyang braso.

Nasa pinakakanan ang petsa ng kapanganakan ng kaniyang panganay na si Frederick, na isinilang noong 1998. Ang kaniya namang anak na babae na si Una, nasa pinakaliwa, na isinilang noong 2005.

Tinanong si Eric kung bakit niya naisipang ipa-tattoo ang mga kaarawan ng kaniyang mga anak.

“Kasi minsan, ‘di ba, 'pag kailangan ilagay 'yung birthdays ng mga anak sa mga application, minsan over the phone ang sabi ‘'Yung mga birthdays ng anak niyo, kahit balikan niyo na lang po ako sir.’ Sabi ko, ‘Sandali, sandali, kabisado ko.’ ‘Yun 'yung reason,” natatawang paliwanag niya.

“Actually, pinanganak na sila lahat, saka ko lang naisip,” paglilinaw naman ni Eric tungkol sa kaniyang pagpapa-tattoo.

Bukod dito, isa pang dahilan kaya niya ipina-tattoo ang birthdate ng mga anak ay para hindi siya malito.

“Kasi ‘di ba, 'pag tinatawag mo sila, ‘Ay Una! Este…’ Bago mo matawag 'yung gusto mo tawagin, natawag mo na lahat.”

Biro pa ni Eric, dahil sa tattoo ay hindi na niya kailangan ng Philippine Statistics Authority na pinagkukunan ng birth certificate.

“Kaya hindi ko na makakalimutan 'yung birthdays nila, nakikita ko lagi,” patuloy niya.

Lolo Na

Ikinuwento rin ni Eric na naging lolo na siya nang magkaanak na ang anak niyang si Frederick.

“Well, sa akin, sabi ko, ‘ang hot ko namang lolo,’ biro niya. “Of course, tanggap ko nang lolo ako.”

Masaya raw si Eric na nagkaroon na rin ng anak si Frederick.

“For my son naman, siyempre happy ako, ‘di ba? At least, alam ko na magkaka-baby siya. Kasi maraming hirap na hirap gumawa ng baby,” saad niya.

Ibinahagi niya kung paano naglakas ng loob ang kaniyang anak na sabihin na magkakaanak na ito.

“Sabi niya sa akin, ‘Daddy, kailangan kitang kausapin. May gusto lang akong sabihin sa'yo.’ Tapos ‘yun nga, nu’ng binalita niya, siyempre tuwang tuwa ko. Pero sabi ko, huwag na huwag mo ako ipag-aalaga ng apo,” sabi ni Eric.

Ayon sa kaniya, nananatiling mga bata sa kaniyang paningin ang kaniyang mga anak.

“Hindi pa ako tapos sa inyo dahil tingin ko pa sa inyo, baby,” kuwento ni Eric.

Sumikat ang grupong “Gwapings” noong 1990’s na kinabibilangan nina Eric, Mark Anthony Fernandez, at Jomari Yllana. Kinalaunan, nadagdag din sa grupo si Jao Mapa.-- FRJ GMA News