Isang 16-anyos na rider at ang dalawa niyang angkas na edad 13 at 10 ang nasawi matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang truck na may kargang mga tubo sa Damulog, Bukidnon nitong Martes, Hunyo 30, 2026.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, papunta ang mga biktima sa Poblacion upang umigib ng tubig nang mangyari ang aksidente.

Samantala, patungo naman ang truck sa mismong Barangay Anggaan.

Ayon kay Damulog Municipal Police Station Chief Police Capt. Marlon Subrian, bumangga ang mga biktima sa likurang gulong ng truck na dahilan para magulungan sila.

Dinala ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga biktima sa ospital ngunit idineklara silang dead on arrival.

Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng trak, ngunit kalaunan ay pinalaya matapos umanong magkaayos ang magkabilang panig.

Ayon sa ulat, sinabi ng driver sa pulisya na tila nabigla ang mga biktima nang makita ang paparating niyang trak, na pinaniniwalaang naging sanhi ng banggaan.

Wala pang ibinibigay na pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News