Nadakip na ang lalaking bumaril sa isang babae na ikinasawi nito sa Barangay Baesa, Quezon City noong Martes.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Station ang 29-anyos na lalaki sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Unang Sigaw.
Sinabi ng pulisya na nahanap nila ang mga kalsada na dinaanan ng suspek.
Unang nakita ang sinakyan nitong motorsiklo.
“Itong motor na inagaw niya roon sa tao is iniwan niya ito sa East Service Road ng Caloocan. Doon natin na-trace kung saan siya banda tumakbo sunod. Base sa forward tracking natin sa mga CCTV, hindi na siya lumabas dito sa compound. Eventually na-identify ito ng confidential informant natin at saka natukoy itong bahay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Commander ng Talipapa Police Station.
Batay sa imbestigasyon, natuklasang limang araw pa lamang nakalalaya ng suspek mula sa kasong may kinalaman sa droga nang barilin niya ang biktima.
Wala pang linaw kaugnay sa motibo sa krimen.
“Pinagbantaan siya allegedly na papatayin ‘yung pamilya niya ‘pag hindi niya gawin itong pagpatay sa babae. Ongoing pa ‘yung investigation sa ngayon. Palalalimin pa natin para matukoy natin ‘yung sinasabi niyang motibo niya sa pagpatay,” sabi ni Alejandrino.
Matatandaang dead on the spot ang 36-anyos na biktima noong Martes matapos magtamo ng mga tama ng bala sa leeg at balikat.
Nakunan sa CCTV ang insidente, kung saan nang-agaw pa ng motorsiklo ng isang rider ang suspek para makatakas.
Nauna nang narekober ng mga awtoridad ang .45 baril na ginamit ng suspek na kaniyang nabitawan habang tumatakas.
Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa Camp Karingal ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.
Mahaharap siya ng mga reklamong murder at paglabag sa New Anti-Carnapping Act. — Jamil Santos/VBL GMA News
