Nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ni Fabio Norberte Jr., ang motorcycle taxi rider na sinaksak ng ice pick at napatay ng kaniyang pasahero sa Caloocan City.
“Agad pong nagbahagi po ng paunang tulong ang DSWD Field Office (FO) National Capital Region (NCR) sa kanilang pamilya dahil napag-alaman po namin na siya ay isang solo parent at may anak na may autism spectrum disorder (ASD),” sabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Sinabi ng DSWD na kasama sa tulong ang P10,000 na tulong pinansyal at tulong sa libing sa pamamagitan ng guarantee letter (GL).
Dagdag pa niya, binigyan ng listahan ang pamilya ng mga kinakailangang dokumento para sa pagkuha ng tulong medikal at iba pang form para sa posibleng tulong pinansyal sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.
Ayon sa mga ulat ng pulisya, inatake umano ang biktima gamit ang ice pick ng kaniyang pasahero.
"Nakahandang magbigay pa ang DSWD ng mga nararapat na interbensyon upang matulungan ang pamilya ng nasawing MC taxi rider hanggang sa malagpasan nila ang kanilang pagdadalamhati at matugunan ang kanilang agarang pangangailangan,” dagdag ni Dumlao.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "24 Oras" nitong Biyernes, ilang mga motorcycle taxi rider ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa lumalaking panganib sa kaligtasan na kanilang kinakaharap sa trabaho.
Samantala, iminungkahi ng motorcycle taxi riders ang pag-verify ng pagkakakilanlan ng mga pasahero at isang SOS button sa kanilang ride-hailing app, bukod sa iba pang mga hakbang sa kaligtasan, para mapalakas ang kanilang proteksyon sa gitna ng mga insidente ng karahasan laban sa kanilang mga kasamahan.
Nanawagan ang Motorcycle Taxi Community Alliance (MTCA) sa mga pasahero na igalang at tumulong na tiyakin ang kaligtasan ng motorcycle taxi riders. —VBL GMA News

