Inihayag ni Inah de Belen na ayaw niyang magpakasal noon dahil sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Nagbago na kaya ang kaniyang pananaw tungkol dito? Alamin.

“A few years ago, ayoko naman talaga, and I told him this many times, I did not want to get married because of what happened to my parents,” sabi ni Inah sa guesting nila ni Jake Vargas sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“But now, medyo okay na ako. Gusto ko na,” pagpapatuloy ni Inah.

Matatandaang naghiwalay ang mga magulang ni Inah na sina Janice de Belen at John Estrada noong 2001.

“I think there was just a fear na, you know, what if this happens to me? Kasi when you come from a family that is broken, tendency is as you grow up, you feel more jaded about love,” pagbabahagi ni Inah.

Dahil dito, pinapayuhan siya ng kaniyang ina na kung pipili ng lalaki, dapat na mapagmahal ito sa pamilya, bagay na taglay ni Jake.

“But, ang tagal na rin namin, and si Jake kasi, alam mo Tito Boy, what my parents, especially my mom, told me was, kung pipili ka ng partner or magiging husband mo or magiging boyfriend mo, dapat piliin mo 'yung lalaki na sobrang mahal niya 'yung pamilya niya. And ganu’n kasi si Jake,” sabi niya.

Kuwento ni Inah, unti-unting nagbago ang kaniyang pananaw nang mamulat siya tungkol sa pagpaplano sa kasal ng kaniyang kapatid na si Moira Estrada sa Enero sa susunod na taon.

“I think it started when my sister, si Moira, got engaged. Kasi syempre kami 'yung maids of honor na kami dalawa ni Kaila. So, she's always, we are always the first ones to hear about her plans and something like that,” pagbahagi niya.

“And actually, Tito Boy, itong year kasi, itong 2026 is the only year na sunod-sunod ang mga kasal na pinupuntahan ko,” sabi niya, at idinagdag na may kasal din siyang dadaluhan sa Disyembre.

“So, parang nagkakaroon na rin ako ng, you know, wedding fever,” sabi ni Inah.

At dahil ikakasal si Moira sa Enero sa susunod na taon, birong tanong ni Tito Boy kina Inah at Jake: “So, hindi pa kayo puwede sa susunod na taon?”

“Wala pa naman. Wala pa naman. Para sigurado, hindi pwede next year,” pagbabahagi ni Inah.

Si Jake naman, sinabing hindi sila nagmamadali ni Inah sa pagpapakasal.

“Sa akin naman, ‘yung pagpapakasal din naman, mangyayari din naman siya. Yes, may plan naman kami talaga, Tito Boy,” sabi niya.

“So hindi naman namin minamadali. Sabi ko rin naman sa kaniya, kailangan niya talagang suwak na suwak na tayo sa isa't isa,” dagdag ni Jake.

Gaganap bilang high school sweethearts sina Inah at Jake sa episode ng Magpakailanman na pinamagatang "Ang Katatagan ng Isang Ina" sa Sabado, 8:15 p.m. sa GMA Network at GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network. – FRJ GMA News