Hindi mapigilan ni Jake Vargas na maluha habang inaalala at pinasasalamatan ang kaniyang mga yumao nang magulang dahil sa maayos na pagpapalaki sa kaniya.
“Siguro gusto ko lang din mag-thank you sa kanila sa lahat-lahat ng pagmamahal simula nu’ng… Actually, Tito Boy, hindi naman ako magiging mabait kung ‘di dahil din naman sa kanila…kung paano nilang ako pinalaki,” panimula ni Jake sa guesting nila ng nobyang si Inah de Belen sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
“May parents kasi sobrang bait din naman po talaga. Lalo na si Papa,” pagpapatuloy ni Jake, na nagsimula nang maging emosyonal.
Dahil dito, hindi na rin napigilan ni Inah na maluha.
“Si Jake kasi, Tito Boy, nakita ko 'yung struggle niya, especially when his father was very sick. Sobrang hirap talaga. And he was shouldering everything. Lahat siya talaga,” kuwento ni Inah.
“And he lives in the province kasi, 'yung family niya, even ‘yung dad niya. And ang laging kinukuwento sa amin, kasi siyempre he has work, he has taping every week. So we would only go to Subic siguro twice or once a month. So when we would see his Papa, when we would visit him, you know, his siblings would always say, ang laging niyang hinahanap is Jake,” emosyonal niya pang sabi.
Ayon kay Jake, umaasa siyang makita nilang muli ang mga magulang, “Kapag dumating man 'yung panahon na...sana makita ko sila.”
Pumanaw ang ama ni Jake noong 2023, habang 2011 naman naman nang mamayapa ang kaniyang ina.
Mapanonood sina Inah at Jake bilang high school sweethearts sa bagong episode ng Magpakailanman na pinamagatang "Ang Katatagan ng Isang Ina" nitong Sabado, 8:15 p.m. sa GMA Network at GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.—FRJ GMA News
