Patay ang isang 30-anyos na ama matapos siyang binaril at mapatay sa harap ng isang paaralan sa Barangay Prinza, Teresa, Rizal nitong hapon ng Huwebes. Ang biktima, nagtungo sa eskuwelahan para sunduin ang estudyanteng anak.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing isang foreman sa construction site ang biktima. Pinaghahanap naman ang salarin na security guard sa eskuwelahan.

“May tumawag sa amin na meron nga daw nabaril dito sa harap ng school sa gate. At agad kaming nagresponde kasama ang aming kapitan at mga kagawad at lalo na ang mga tanod,” ayon sa Barangay Kagawad na si Jovito San Felipe.

“Ang ginawa nila, i-disperse ‘yung mga tao at lalo na ‘yung mga bata na nagkaroon ng trauma,” dagdag niya.

Sa nag-viral na video, makikita ang biktima na nakabulagta na sa tapat ng school gate, habang nasa tabi niya ang naghihinagpis niyang maybahay, at karga ang isa pa nilang anak.

Dahil sa insidente, sinuspinde ang face-to-face classes sa paaralan. May mga tao sa paaralan ang nakasaksi sa krimen.

“Talagang nanginginig po ang aking katawan kahit ako po’y malaking ganitong—pero iba po pala kapag tao talaga na personal mong nakita,” ayon sa isang kawani ng eskuwelahan.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagkaroon na noon ng pagtatalo ang biktima at suspek tungkol sa patakaran sa pagsundo ng estudyante.

“Ang ano po sa ‘min ng principal, hindi na po pwedeng pumasok ang magulang, hanggang diyan lang po sa gate. Ay, siguro po sinita nung kasama kong gwardiya, hindi po nagustuhan siguro nung biktima. Siguro nagkaroon po ng kaunting pagtatalo,” saad ng saksi.

Sinabi naman ng kapatid ng biktima na bagama't nagkaroon noon ng hindi pagkakaunawaan ang kaniyang kapatid at ang suspek, nagkaayos na umano ang dalawa. Gayunpaman, naniniwala siyang gumanti pa rin ang suspek sa kanyang kapatid.

“Parang tinraydor siya eh, ‘yun po ‘yung nangyari don eh. Kumbaga’y kanina pong hapon susunduin niya ‘yung anak niyang babae… habang nilalaro-laro… nung kapatid ko ‘yung bata, binaril siya dito sa may kanan eh,” saad ng kapatid ng biktima.

Nananawagan siya ng hustisya pa’t tatlong anak ang naiwan ng kaniyang kapatid.

“Kami po ay nakikiusap sa mga hepe ng pulis na andito po sa Teresa, sana po ay mahuli, mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid ko po. Kasi hindi niya po deserve na mamatay ngayon eh, kasi marami pa siyang plano sa amin magkakapatid at sa mga pamilya niya lalong-lalo na sa mga anak niya,” pakiusap ng kapatid.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang suspek. – Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News