Napaulat kamakailan ang kalunos-lunos na sinapit ng dalawang motorcycle taxi rider, na napaslang ng mga kawatan na nagpanggap na pasahero sa Caloocan at Cavite. Anu-ano nga ba ang mga nararapat na gawin upang makaiwas sa mga krimen sa lansangan? Alamin.
Sa programang “Unang Hirit” nitong Biyernes, inilahad ni Kier Gabriel Tampos, Phd., RCrim, isang Practicing Criminologist and Certified Criminal Profiling Specialist, ang kaniyang pakikidalamhati sa mga biktima.
Aniya, dati niyang estudyante sa criminology ang napatay na rider sa Cavite, na unang kinontrata ng suspek sa Maynila upang magpahatid sa lugar kung saan siya binaril at pinatay.
BASAHIN: 1 pang motorcycle taxi rider, hinoldap at pinatay ng kaniyang pasahero na holdaper pala
Nadakip naman kalaunan ang suspek sa Tondo, Maynila, na nagawa pang kikilan ang pamilya ng biktima.
“Napakabilis ng kaganapan. Weekly lang, may mga krimen na nagaganap lalo na po ang involved ‘yung mga nagiging biktima ‘yung mga rider natin sa motorcycle,” sabi ni Tampos.
Batay sa kaniyang obserbasyon, kadalasang mga motorcycle taxi rider ang mga pinupuntirya ng mga kawatan dahil bukod sa mabilis maibenta ng mga kriminal ang mga motorsiklo, sila rin ang madalas bumibiyahe kapag madaling araw.
Kung ilegal na ibebenta, umaabot ng P20,000 hanggang P50,000 ang presyo ng mga nakaw na motor.
Para makaiwas ang mga rider sa mga kriminal, dapat umanong tandaan ang code na T.A.S. o Tingin, Alis at Sumunod.
Tingin - Obserbahan ang pasahero kapag bumaba ito. Tingnan kung may dalang patalim o ice pick. Manmanan din ang lugar.
Alis - Kailangang maging handa ang mga rider kapag bababa ang pasahero. Kung may nakitang hawak na patalim, tumakbo na agad para makaiwas.
Sumunod - Ngunit kung nahawakan na ng kawatan, maiging sumunod na lamang sa ipinagagawa, dahil mahalaga ang buhay.
“Ibaba lahat ng gamit. At ang kriminal, suspek, mag-focus na siya mismo sa gamit. Ito ‘yung chance na makakatakbo na sir,” sabi ni Tampos.
“Huwag nang lumaban sir,” sabi pa niya, at idinagdag na mainam na ibigay na lang ang wallet o cellphone.
Samantala, napaulat din ang panghoholdap sa isang burger stand kung saan pumasok mismo ang salarin sa loob ng stall sa Pandi, Bulacan.
Payo ni Tampos na i-lock ang store at maging handa rin ang mga empleyado.
“Kailangan tatlong segundo sir, makapag-decision na kapag nandiyan na mismo 'yung imminent danger,” sabi niya.
“Sa pagkakataon na ito, nanlaban 'yung babae. Buti na lang hindi siya naging biktima sa malalang karahasan mismo,” sabi ni Tampos.
Panghuli, makabubuti na sundin umano ang “instinct” o ang kutob.
“Mag-ingat palagi. Kailangan obserbahan natin 'yung mga pasahero, paligid natin. Tsaka 'yung instinct, kailangan sundin natin to. Ito po 'yung nakatulong rin. Ako naniniwala ko dito sir na kapag ramdam mo 'yung tao na may negative vibe, so iwasan na lang sir,” sabi ni Tampos.
Sa isang panayam naman kay Romeo Maglunsod, chairperson, Motorcycle Taxi Community Alliance sa Super Radyo dzBB, ipinayo niya sa mga kapuwa motor taxi rider na ibaba ang kanilang mga pasahero sa tamang lokasyon, o sa tapat ng bahay, barangay, o opisina, at maliwanag na lugar, upang maiwasan kung may masamang balak ang kanilang naisakay. -- FRJ GMA News
