Isang mainit na sorpresa ang inihanda ni Heart Evangelista para kay Bea Alonzo nang personal niya itong batiin ilang araw matapos ikasal kay Vincent Co habang bumibisita sa isang dermatology clinic.

Sa Instagram Stories na ibinahagi ng The Aivee Clinic, makikitang pumasok si Heart sa treatment room na kinaroroonan ni Bea, kasama sina Dr. Aivee Teo at Dr. Z Teo.

Agad na nagyakapan ang dalawang aktres, na kapwa nakangiti at masaya na muling nagkita.

“Grabe ‘yung glow,” sambit ni Heart kay Bea.

Ibinahagi rin ni Dr. Aivee ang kanilang kasiyahan para kay Bea, “"We're just so happy. Masaya lang kami."

"That's how it should be!" dugtong naman ni Heart.

Sa isa pang Instagram Story, ibinahagi ni Dr. Z ang group photo na kasama niya sina Heart, Bea, at Dr. Aivee, habang may hawak na bouquet ng mga bulaklak.

“Sweet surprises and beautiful reunions.. Happy to congratulate the happy bride [Bea]. How amazing we are altogether [The Aivee Clinic] Star at the same time,” saad ni Dr. Z.

Ikinasal sina Bea at Vincent Co sa isang pribado at simpleng civil wedding noong Lunes ng gabi sa Makati City Hall. Pinangunahan ang seremonya ni Makati Mayor Nancy Binay.

Noong Miyerkules, ibinahagi ni Bea ang ilang black-and-white na larawan mula sa kanilang kasal, kabilang ang mga kuha na nagpapakita ng kanilang wedding cake. — Carby Rose Basina/FRJ GMA News