Arestado ang isang lalaki matapos magnakaw ng halos P20,000 na halaga ng mga gamit sa isang apartment building sa Tondo, Maynila.

Nakuhanan ng CCTV ang suspek na bumababa sa second floor ng gusali nitong Lunes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na aabot sa P19,000 na halaga ng mga gamit ang natangay ng suspek mula sa isang babaeng tenant.

"May tatak 'yung mga sapatos, tsinelas...Doon nila nakita sa CCTV, nilagay sa isang dilaw na timba," sabi ni Police Lieutenant Wexler Maddumba, hepe ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) at deputy commander ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP).

Sabi ng pulisya, umaga na nang malaman ng biktima na nawawala na ang kanyang mga gamit.

Sa kuwento ng biktima na tumangging humarap sa camera, humingi siya ng tulong sa kanyang mga kaibigan sa social media hanggang sa isang opisyal ng kalapit barangay ang nakakilala sa lalaki.

Positibo raw siyang natukoy dahil bukod sa kuha ng CCTV, naiwan niya pa sa mismong nilooban niyang gusali ang kanyang tsinelas.

Narekober sa kanya ang dalawang pares ng rubber shoes na aabot sa P13,000 ang halaga, gayundin ang mismong timba na pinaglagyan niya ng mga ninakaw niya

Nabawi rin ng biktima ang dalawang pares ng tsinelas niya na naibenta na umano ng suspek sa halagang P500.

Aminado naman ang suspek sa kanyang nagawa.

"Pauwi na rin po dapat ako noon eh. Nakita ko pong nakabukas. Naakit po ako. Umakyat po ako...Kinuha ko 'yung sapatos," aniya.

"Pasensiya na lang po sa nagawa ko," dagdag ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa reklamong theft. —KG GMA News