Ibinahagi ni Jelai Andres ang kaniyang damdamin sa bigong pagsasama nila ng kaniyang ex-husband na si Jon Gutierrez na nauwi sa paghihiway at annulment.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ang vlogger/comedienne kung napatawad na ba niya si Jon at maging ang kaniyang sarili.
“Yes, Tito Boy,” tugon ni Jelai. “Nagpatawad ako kasi kailangan."
Dagdag pa niya, sinasabi niya sa mga nauna niyang panayam na napatawad na niya si Jon ngunit napagtanto niyang "hindi pala."
“So kailangan patawarin ko sarili ko. Nag-repent ako. Tito Boy, uma-attend ako ng mga seminar pang Christians and Catholics,” pagbahagi niya. “Dun ko ni-repent na patawarin Mo ako Lord kasi ginanto ko ‘yung sarili ko.”
“Doon ko naramdaman na nakapagpatawad na kasi hindi na ‘ko galit, Tito Boy, nawala na lang siya bigla. Nawala na ‘yung galit, ‘yung pain. Tanggap ko na. Na-accept ko na na ito ‘yung nangyari. Okay na. Buti na lang naghiwalay kami," dagdag niya.
Ikinuwento rin ni Jelai na hindi siya masaya noon sa kaniyang buhay may-asawa. Ngunit ngayon, nakatagpo na siya ng kaligayahan bilang isang single.
Sinabi rin ni Jelai sa "Fast Talk" na pangarap lamang niya noon una na magkaroon ng annulment.
“Parang second life ko na po ‘to, Tito Boy. Kasi napagdaanan ko na po ‘yung depression, ‘yung anxiety,” saad ni Jelai na hindi napigilan ang sarili na maging emosyonal.
Umaasa rin siya na walang ibang kabataang babae ang maranasan ang kaniyang pinagdaanan, “kasi sobrang hirap, baka hindi niya kayanin, Tito Boy.”
“Alam mo ‘yung parang buhay ka pero namatay ka na ulit. Ganun po kahirap,” ani Jelai. “’Yung pure na pure ka, tapos parang lahat ng bumabalik, hindi mo deserve.”
Ibinahagi rin ni Jelai ang hirap na kaniyang pinagdaanan habang hinihintay kung maaaprubahan ang kaniyang annulment. Aniya, umabot ng limang taon ang proseso at gumastos siya ng humigit-kumulang isang milyong piso.
Habang isinasagawa ang annulment, sinabi niyang nagbabatian pa rin sila ni Jon, ngunit hindi na sila nag-uusap. Aminado rin siyang may galit pa siyang nararamdaman noong una.
“Hindi kami magkaaway kasi hindi kami nag-aaway. Hindi rin kami bati, Tito Boy,” ani Jelai. “Hindi na ‘ko galit.”
Ayon kay Jelai, isa sa pinakamalaking dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang paulit-ulit na pambababae o panloloko umano ni Jon.
Noong unang bahagi ng buwang ito, ibinahagi ni Jelai sa kanyang YouTube vlog na opisyal nang naaprubahan ang kanilang annulment. Sa huling bahagi ng vlog, sinabi niyang labis ang kaniyang saya matapos ang ilang taong paghihintay.
“Masaya ako kasi, finally, nawala na sa mundo ‘yung kasal,” sabi niya. “’Yung annulment, kasama sa prayers ko.”
Naging magkarelasyon sina Jelai at Jon noong 2015 at nagpakasal noong 2018. Isang taon lang ang nakalipas matapos ang kanilang kasal, naghiwalay ang dalawa, at nagkabalikan noong 2020. Pero tuluyan din silang naghiwalay sa sumunod na taon. —Nika Roque/FRJ GMA News
