Sinabi ng Malacañang nitong Martes na inatasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na agad na magbigay ng tulong sa mga pamilya ng dalawang Pilipinong seafarer na nasawi matapos atakihin ang kanilang mga barko sa hilagang Black Sea sa teritoryo ng Ukraine.

Sa isang punong balitaan, sinabi ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro na inatasan ng Pangulo ang Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang kinauukulang ahensiya na tiyaking matatanggap ng mga pamilya ng mga biktima ang lahat ng mga tulong.

“Iniutos po ng Pangulo kay Secretary Hans Cacdac na kausapin kaagad ang mga pamilya na naapektuhan at siguruhin po na lahat ng ayuda na legal ay maibigay po at maipaabot sa mga pamilya ng mga naapektuhang namatay na Filipino seafarers," sabi ni Castro.

Nagbabala rin si Castro na maaaring maharap sa kaparusahan ang mga local manning agencies at foreign principals na mapatunayang lumabag sa mga regulasyon ng gobyerno.

“Kung (malaman) naman po nila nag-violate ang local manning agencies at foreign principals, maaari silang matanggalan ng lisensya,” anang opisyal.

Inilabas ng Palasyo ang pahayag isang araw matapos kumpirmahin ng mga awtoridad na namatay ang dalawang Pilipinong marino, at 12 pa ang sugatan sa mga pag-atakeng naganap sa kanilang mga barko gamit ng drone sa hilagang Black Sea.

BASAHIN: DMW: 2 Pinoy seafarers, nasawi sa mga pag-atake sa Black Sea sa Ukraine; 12 iba pa, sugatan

Kasunod ng pagkamatay ng dalawang Pilipinong marino, sinabi ng DMW nitong Martes na uulitin nito ang "high-risk advisory" para sa Black Sea sa gitna ng tunggalian sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Samantala, tinanggap ni Castro ang mga ulat na apat na barkong rehistrado sa Pilipinas ang ligtas na nakadaan sa Strait of Hormuz.

“'Yan naman din po ang magandang balita. Nakakatuwa po ’yan dahil alam din po naman natin kung ano ang naging agreement natin sa bansang Iran,” ani Castro. -- Sherylin Untalan/Jamil Santos/FRJ GMA News