Nadakip ng isang magkasintahan sa isinagawang buy-bust operation ng National Bureau of Investigation sa Baguio City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na ang babaeng suspek ang nag-abot ng ilegal na droga at tumanggap ng buy-bust money sa nagpanggap na buyer.
Nakunan naman ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang kaniyang nobyo na balak pa nitong itapon.
Nagmula umano sa Mangaldan, Pangasinan ang magkasintahan at umakyat sa Baguio para sa nasabing ilegal na transaksyon.
Nasamsam sa kanila ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na abot sa P70,000 ang halaga.
May nakuha rin sa kanila na mga drug paraphernalia, at nagpositibo ang magkasintahan sa paggamit ng ilegal na droga, batay sa medico legal.
Nahaharap sila sa kaukulang reklamo, at sinisikap pang makuhanan sila ng pahayag, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA News
