Inaasahang iuuwi sa Pilipinas ang mga labi ng Filipino-American na si US Air Force Airman 1st Class Cedric Eneluna, na nasawi sa isang aksidente habang nagtatrabaho sa Vandenberg Space Force Base sa California.

Kinumpirma ng ama ni Cedric na si Mel Eneluna, na isinasapinal na ang mga paghahanda upang maiuwi ang mga labi ng kaniyang 23-anyos na anak sa Bacolod City.

"I believe the Vandenberg repatriation team will bring him back here to Bacolod City, Philippines," sabi ni Mel Eneluna sa GMA News.

Ayon kay Mel, tumawag sa kaniya ang kaniyang asawa at ina ni Cedric noong Biyernes upang ipaalam ang malungkot na balita tungkol sa pagkamatay ng kanilang anak.

Nasawi si Cedric matapos gumulong pababa sa embankment ang heavy equipment na kaniyang ino-operate na naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

Kasalukuyang nasa California ang ina ni Cedric upang samahan ang mga labi ng kaniyang anak.

Hindi pa inilalabas ng US Air Force ang opisyal na resulta ng imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Si Cedric, tubong-Bacolod City, ay sumali sa US Air Force noong Marso 5, 2024, at dumating sa Vandenberg para sa kaniyang unang assignment noong Agosto 2, 2024.

Lumaki siya sa Pilipinas bago lumipat sa Fayetteville, North Carolina, na itinuring niyang kaniyang hometown.

Ayon sa pamunuan ng base, si Cedric ay " served with professionalism, humility, and an unwavering commitment to his teammates and the mission.”

"During his assignment at Vandenberg, he earned the respect and admiration of those around him through his positive attitude, tireless work ethic, and willingness to help others," dagdag nito.

"Our Vandenberg family is grieving alongside Cedric's loved ones and his teammates," ayon kay US Space Force Colonel James T. Horne III, commander ng Space Launch Delta 30 at Vandenberg Space Force Base.

"He made a lasting impression on his teammates through his character, dedication, and genuine care for others. On behalf of Team Vandenberg, I extend my deepest condolences to Cedric's family, friends, and fellow Airmen during this incredibly difficult time," dagdag niya. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News