Isang motorcycle rider ang sugatan matapos makasalpukan ang isang e-trike sa bahagi ng Marcos Highway sa Barangay Santa Cruz, Antipolo City. Ang rider, natuklasang nakaw ang gamit na motorsiklo, at suspek sa ilan pang insidente ng pagnanakaw.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga bali sa tuhod at binti ang 22-anyos na lalaki at humandusay sa kalsada noong Biyernes ng umaga.
Dinala siya sa ospital at kinailangang operahan. Hanggang sa natuklasan na suspek pala ang rider sa isang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Barangay San Jose noong Hulyo 3, ayon sa mga awtoridad.
“Bale nasa loob po ng garahe mismo ‘yung motor. Doon po nila kinuha po 'yung motor po. Umaga na po namin napansin na wala na po 'yung motor,” sabi ng lalaking ninakawan ng motor.
“Mayroong kaming mga CCTV kung saan unang nakita 'yung motor pero may nakakita rin na kamitbahay niyo na doon sa pinagdala ng motor na binabaklas na 'yung mga body parts noong motor,” sabi ni Renante Tuñacao, OIC, night shift tanod ng Barangay San Isidro.
Napansin ng isang concerned citizen na magkatulad ang plaka ng ninakaw na motor noong Hulyo 3, at ang plaka ng dalang motorsiklo ng naaksidenteng rider.
“Nakita ng complainant, positive niyang kinilala at tinuro 'yung plate number na kaniya 'yun ang pag-aari,” sabi ni Lester Galla, BPSO ng Barangay San Isidro.
Gayunman, hindi umano sa biktima ang mismong motorsiklong dala ng suspek kung saan nakitang nakakabit ang parehong plaka.
“Plaka ko po 'yung ginamit. Possible na kung gumawa man po sila ng kalokohan, nanghold up, tapos nakunan po sa CCTV. Siyempre, unang una ako po 'yung hahabulin ng authority,” sabi ng ninakawan ng motor.
Sinabi ng biktima na mahigit P70,000 ang halaga ng ninakaw na motor, na kanila pang hinuhulugan at siyam na buwan pa lang nagagamit.
“May footage po tayo na minamaneho niya po 'yung isang unit na motor, 'yun po 'yung ninakaw at 'yun po 'yung plate number. Pero po nu’ng kinausap po namin siya sa hospital, sa orthopedic, ang sabi niya po ay nabili niya lang daw po ‘to sa kaniyang kakilala ng P4,500. Itinatanggi niya po na ninakaw niya ito,” sabi ni Galla.
Sa follow-up operation ng pulisya, lumabas na nakaw din pala ang motorsiklong gamit ng rider nang maaksidente.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang rider, na nakatakdang sampahan ng reklamong theft at reklamong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Nangako ang kaanak ng suspek na ibabalik ang unang inakaw ng motorsiklo sa Huwebes, batay sa kasunduan nila sa biktima at pulisya.
Sinabi ng barangay na umamin kalaunan ang suspek na ibinenta niya sa isang buyer sa Boso-Boso ang ninakaw niyang motorsiklo.—Jamil Santos/FRJ GMA News
