Inilabas na ang unang teaser ng "Avengers: Doomsday," na hitik sa mga matitindi at maaksyong eksena.
Sa halos dalawang minutong video, nagsama-sama ang halos lahat ng pangunahing bida sa Marvel Cinematic Universe (MCU) upang harapin ang panibagong banta na si Doctor Doom, na ginagampanan ni Robert Downey Jr.
Kabilang sa mga makikita sa trailer ang Fantastic Four, X-Men, Avengers ni Sam Wilson, ang mga karakter sa New Avengers, si Thor, at Ant-Man.
Isa sa pinakamatinding pasilip sa teaser ang pagbabalik ni Chris Evans bilang si Steve Roger. Ito ang kaniyang unang pagpapakitang muli sa MCU mula nang ipalabas ang "Avengers: Endgame" noong 2019.
Sa trailer, hindi makapaniwala si Thor na muling nakita si Steve, at muli nitong hinawakan ang Mjolnir, o hammer ni Thor.
Ang inaabangang upcoming movie ang magiging huling full-length project ng Marvel na pamumunuan ni Andy Park bilang Director of Visual Development ng Marvel Studios bago ang kaniyang pag-alis sa studio.
Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang "Avengers: Doomsday" sa darating na Disyembre 18. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

