Arestado ang dalawang lalaki matapos silang magpanggap umanong mga pulis at pinagbantaan ang dalawang babaeng call center agent na kanilang nakasabay sa isang bar sa Quezon City.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing hinuli ang dalawang suspek noong Biyernes.
“Siguro dahil nga du'n sa kalasingan, hindi na rin nila alam 'yung ginagawa nila. Nakasahan nila ng baril, natakot 'yung mga babae. ‘Yon 'yung nag-ugat kaya nagsumbong sa pulis. Nagkataon lang na 'yung pulis nagpapatrolya talaga du'n sa area na ‘yun,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros, Station Commander ng Holy Spirit Station 14.
Nagtago pa umano ang isang suspek samantalang sinubukan ng kaniyang kasama na itago ang baril sa sasakyan. Ngunit nakita na ito ng pulis.
Tinanong ng mga awtoridad ang dalawa kung tunay na pulis sila.
“Wala naman silang maipakita din na katibayan na pulis sila. At the same time, upon checking, 'yung mga baril nila is nakapangalan sa ibang tao. And then silang dalawa mismo is hindi sila authorized magdala ng baril,” sabi ni Fabros.
Dalawang hindi lisensyadong baril at mga magazine ang narekober sa mga suspek.
Nakakulong na ang dalawang lalaki at mahaharap sa mga reklamong usurpation of authority, grave threat at illegal possession of firearms.
Pareho silang tumangging magbigay ng pahayag.
“No comment po. Sa korte na lang po kami magpapaliwanag,” sabi ng isa sa mga suspek.
“Ganoon din po, no comment,” sabi ng isa pang suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA News
