Ang Hulyo ang tinaguriang National Blood Donors Month, o buwan para mag-donate ang mga tao ng dugo. Anu-ano nga ba ang mga benepisyo nito sa kalusugan ng tao?
Sa programang Unang Hirit nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dra. Gwendolyn Pang, Secretary General ng Red Cross Philippines, na unang benepisyo sa pagdo-donate ng dugo ang pagbabawas ng sobrang iron sa katawan, lalo na sa mga lalaki.
“‘Yung donor, when you give blood, lalong lalo na sa lalaki. Because walang kabuwanang regla, marami tayong excess na dugo, iron sa body. So kung marami ‘yon, nagkakaroon tayo ng posibleng pagtitigas ng arteries at posibleng mag-lead into heart ailment,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng doktora, para na ring nag-”change oil” kapag nag-donate ng dugo.
“Kasi, mapapalitan lang ‘yung mga red blood cells mo sa katawan kung nakapagbigay ka ng dugo. Natanggal sa katawan. Kung hindi, hindi siya magkakaroon ng trigger sa ating bone marrow to produce new red blood cells,” patuloy niya.
Unang qualification para makapag-donate ng dugo ang edad, na dapat 18 hanggang 60 o 65 anyos.
Dapat ding nasa 110 pounds o 50 kilograms ang timbang ng donor.
Isang araw bago mag-donate, dapat na nakatulog ng ‘di bababa sa limang oras o hindi puyat, hindi dapat naka-inom ng alak.
Ilang oras naman bago mag-donate, dapat nakakain kahit kaunti.
Kapag pumasa, maaari nang pumunta ang donor para sa medical checkup.
Unang tingnan ang kaniyang hemoglobin, na dapat hindi bumagsak.
Matapos nito, kukuhanan na ang donor ng hanggang 450cc na dugo, o katumbas ng isang basong tubig.
May recovery time na nakahiga lamang nang lima hanggang 10 minuto ang donot, at bibigyan siya ng inumin para ma-replenish ang fluid na nawala sa kaniyang katawan.
Tiniyak naman ni Pang na aalalay ang medical technologists, at phlebotomist para sa mga matatakutin sa karayom, at gagamitin ang mga high quality supplies.
Sa darating na August 8, magkakaroon ng Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project sa ganap na 7 am hanggang 8 pm sa Ever Commonwealth Mall sa Quezon City. – FRJ GMA News
