Inanunsyo na magiging bagong ambassador ng Department of Tourism (DOT) ang P-pop kings na SB19.

Sa Instagram, nag-post ang DOT ng mainit na pagtanggap para sa P-pop kings, na inilarawan ng kagawaran bilang "five Filipino artists bringing our talent, creativity, and culture to the world."

"From their homegrown beginnings to global stages, SB19 and A'TIN continue to show just how far Filipino pride can go," anang DOT.

"Now, they're inviting their global community to come closer to home and experience the Philippines—our culture, cuisine, heritage, destinations, and the unmistakable warmth of Filipino homecoming," dagdag nito.

Pinasalamatan ng DOT ang SB19 at ang A'TIN upang maipakilala ang Pilipinas sa mundo.

"Now, let's show the world what makes the Philippines worth coming home to," sabi ng DOT.

Sa sarili nilang Instagram post, inihayag ng SB19 na kasiyahan sa bagong kabanatang ito ng kanilang grupo.

"Representing the Philippines on and off the stage," sabi ng SB19.

Ang grupo ang pinakabagong karagdagan sa listahan ng mga celebrity ambassador ng DOT, kabilang ang Korean stars na sina Kim Myung Soo, Choi Bo Min, Seo In Guk, pati na rin sina Vanessa Hudgens, Michelle Dee, at BINI.

Nakatakdang gumawa ng kasaysayan ang SB19 bilang unang grupong Pilipino na magtatanghal sa Lollapalooza sa Hulyo 30. Sa Agosto, pupunta sila sa Japan para sa Summer Sonic Festival.

Magtatanghal din sila sa Grammy Museum para sa Global Spin Live sa Hulyo 28 at maghahagis ng ceremonial first pitch sa laro ng Chicago White Sox laban sa New York Yankees sa Hulyo 29.

Magkakaroon din ng thanksgiving fan meets ang SB19 sa US at Japan sa susunod na buwan.

Sa Oktubre, magtatanghal ang P-pop group sa KPOPWORLD Festival sa Texas.

Nag-debut ang SB19 noong 2018, at ilan sa mga sikat nilang kanta ang "GENTO," "MAPA," "DUNGKA," at "VISA." – Jamil Santos/FRJ GMA News