Nadakip ang isang lalaking wanted sa kasong syndicated illegal recruitment at nakapambiktima umano ng 1,700 katao na pinangakuan niya ng trabaho sa Europa. Depensa ng akusado, empleyado lamang siya ng agency at sumusunod lang sa mga sinasabi ng management.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nadakip ang 40-anyos na lalaki sa kaniyang inuupahang bahay sa Mexico, Pampanga.

Pagdating sa estasyon ng pulisya, natuklasang may 20 pang arrest warrant ang suspek sa parehong kaso. Isinilbi rin ito ng mga awtoridad.

Sinabi ng pulisya na humingi ng tulong ang isa sa mga nabiktima para madakip ang lalaki.

“Itong suspek po natin, ayon sa ating information ay nagtatago sa bandang Pampanga.

So upon verification, na-confirm natin na 'yung tao nga ay nandodoon. But kaya hindi nahuhuli because gumagamit po siya ng ibang identity, ibang pangalan 'yung ginagamit niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Geoffrey Lim, Commander ng Project 4 Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon ng Project 4 Police na nakapambiktima ng 1,700 katao umano ang lalaki mula 2023 hanggang 2025.

Ilan sa mga biktima ang pumunta ng police station at nagreklamong pinangakuan din sila ng trabaho sa Europa bilang skilled workers.

Ngunit nang makapagbayad na, wala ni isa ang nakaalis sa kanila.

“Ang ating mga biktima, sa kagustuhan nilang makaalis agad, makapunta sa ibang bansa, pumapayag na po sila kasi ang style niya, sinasabi niya, konting slot na lang 'yung natitira. So para ma-prioritize kayo, you have to give a certain amount, which is pinaka-minimum po na hinihingi nila ay P80,000. At meron din mga nakapagbigay Phanggang 300,000,” sabi ni Lim.

Depensa ng akusado, empleyado lang din siya ng isang agency kaya siyang humaharap sa mga biktima.

“Ako'y nagsangkot sa napakaraming kaso ng illegal recruitment at ako'y nagpapasalamat dahil ako'y nahuli, dahil gusto ko talagang harapin ito, dahil para rin sa mga aplikante at para malaman ang katotohanan. Kung ano lang 'yung sinasabi ng management, ‘yan na lang din ang ginagawa ko. So naiintindihan ko, maraming galit sa akin kasi nga ako ang humaharap sa kanila, at ako 'yung nag-a-update ng status nila and nothing less, that's all,” sabi ng akusado.

Sinabi ng pulisya na nakansela na nitong Enero ang lisensiya ng agency kung saan naging empleyado ang akusado.

Pagkasuri ng record, napag-alaman na dati nang nadakip ang akusado dahil sa mga kasong rape at estafa.

Nakapag-return of warrant na ang pulisya at hinihintay nila ang commitment order mula sa korte. – Jamil Santos/FRJ GMA News