Sugatan ang isang 50-anyos na tanod matapos mabundol ng isang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Sampaloc 3, Dasmariñas City, Cavite kung saan siya nagmamando ng trapiko.
Sa ulat ni Darlene Cay sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, makikitang tumakas ang nakabanggang driver, na kalaunan ay nahuli rin ng mga awtoridad.
Kwento ng biktima, malayo pa ang motor ay sinesenyasan na niya ito.
“Umilag pa po ako e. Umiwas po ako, pero huli na po ang lahat. Ang masakit lang po, tinakasan niya po ako,” sabi ng biktimang si Eutiquio Severe Edaño Jr.
Nabali ang kanang binti ng biktima kaya kinailangan niyang sumailalim sa operasyon.
Hawak na ng Dasmariñas Police ang motor na ginamit ng suspek sa insidente, na kalaunan ay napag-alamang hiniram lamang ng driver.
Ayon sa pulisya, sinubukang makipag-areglo ng pamilya ng suspek sa biktima. Tumanggi ang biktima at desididong ihabla ang driver na nakabunggo sa kaniya.
Sinusubukan pa ng GMA News na kuhain ang pahayag ng suspek na nakatakdang i-inquest para sa reklamong reckless imprudence resulting in serious physical injury. — Lyjah Tiffany Bonzo/BM GMA News
