Maaaring maharap sa death penalty ang isang Filipino-American sa Florida, USA, makaraaan itong hilingin ng prosekusyon kaugnay sa kinakaharap niyang kaso ng umano’y pagsasamantala, at kabilang ang isang menor de edad sa kaniyang mga biktima.

Binasahan ng sakdal si Schubert Navarroza Macarat, 41-anyos, na nahaharap ng 47 magkakahiwalay ay mabibigat na kasong kriminal (felonies), kasama ang 12 bilang ng sexual battery na ginawa umano niya sa isang batang wala pang 12-anyos.

Nang katanungan ng GMA News, sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Washington nitong Huwebes na nakontak na nila si Macarat. Kinumpirma rin ng embahada na isa nang American citizen ang akusado.

"This kind of criminal depravity demands only one response from the State. Today, I filed Notice of Intent to Seek the Death Penalty in the event the defendant is found guilty," ayon kay Bill Gladson, Fifth Judicial Circuit State Attorney.

"We are seeking to prematurely end this defendant's life because the crimes he committed are so heinous that no other punishment is fitting,” dagdag niya.

Noong gabi ng Marso 22, 2026, rumesponde ang mga deputy ng Lake County Sheriff's Office sa isang ulat tungkol sa isang naganap na sexual offense.

Ayon sa Office of the State Attorney, Fifth Judicial Circuit sa Florida, nang makausap ng mga awtoridad ang tumawag, nalaman nilang kamakailan na isiniwalat ng isang bata na matagal siyang nakaranas ng sekswal na pang-aabuso mula sa suspek.

Kinumpirma ng isinagawang forensic interview sa biktima ang mga alegasyong, at nakatulong upang matukoy ang mahahalagang impormasyon na naging daan sa pagkalap ng mga imbestigador ng karagdagang ebidensya.

Kalaunan, nakumpiska ng mga imbestigador ang isang apat na terabyte (4TB) na hard drive na naglalaman ng mahigit 3,000 video. Sa mga ito, hindi bababa sa 700 video ang napatunayang naglalaman ng materyal na may kinalaman sa sekswal na pang-aabuso sa mga bata.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Macarat sa Lake County Detention Facility at hindi maaaring makapagpiyansa.

Sa mensahe nito sa GMA News, sinabi ng Embahada ng Pilipinas na, "We did not receive any consular notification about the arrest of Mr. Schubert Navarozza Macarat."

"Nonetheless, we were able to contact him and have ascertained that he is in good condition... He did not provide us any details on the status of his case," ayon sa embahada. — FRJ GMA News