Sugatan ang lima katao matapos araruhin ng isang kotse ang ilang sasakyan at sumampa sa sidewalk sa EDSA, Guadalupe, sa Makati City.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikitang sira ang unahan ng kotse nang madatnan ng mga rumesponde sa aksidente nitong Miyerkoles ng gabi.

Isang lalaking sugatan ang makikita sa video na nakaupo sa bangketa. Nasa tabi niya ang isang nakatumbang motorsiklo.

May makikita rin na isang tao na nakaipit sa gulong ng motorsiklo.

Isang lalaki din na may bag at nakaupo sa bangketa ang inaalalayan ng ilang tao. May isa ring babae ang tila nanghihina na nakuhanan sa video.

Makikita rin sa video ang iniwang pinsala ng pagsalpok ng kotse.

Isinalaysay ng isa sa mga rumesponde na dinala rin sa ospital ang driver ng sasakyan, kasama ang lahat ng nasugatan.

Wala pang detalye ang pulisya sa naganap na aksidente.

Sinabi ng MMDA na posibleng maharap ang driver ng kotse sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple injuries.—Jamil Santos/FRJ GMA News