Pinatunayan ng isang delivery rider na hindi lahat ng superhero ay mayroong kapa. Ang iba sa kanila, may bitbit lang na parcel. Sa Maynila, isang bata na isang-taong-gulang ang naisalba ang buhay nang saluhin siya ng delivery rider matapos na nahulog mula sa bintana ng isang bahay.
Sa video mula sa stringer na si Mike Francisco, sinabing nangyari ang insidente noong July 22, 2026 sa Barangay 375, Zone 38 sa Tondo.
Sa video, makikita ang delivery rider na si Bryan Serrano, na may tinatawag na pangalan habang nasa labas ng isang bahay at nakatingin sa itaas.
Madidinig din sa video ang tila iyak ng isang bata.
Sabi ni Serrano, nakita niya nang sandaling iyon ang batang sumilip sa bintana at inakala niya na may humahawak dito.
Ngunit nagulat na lamang siya nang dumere-deretso ang bata at nahulog mula sa bintana.
Kaagad namang kumilos si Serrano na puwesto upang masalo ang bata na matagumpay niyang nagawa.
Kasunod na nito ang paglabas ng mga tao at madidinig ang boses na nagsabing, "buti nandiyan si kuya."
May pumulot din sa isang maliit na parcel na naka-plastic na nalaglag mula kay Serrano nang saluhin niya ang bata.
Ayon din kay Serrano, nang sandaling iyon, may iniinda pa siyang pananakit ng balikat dahil naaksidente siya sa motorskilo kaya hindi niya inaasahang masasalo niya ang bata.
Kinabukasan, binalikan ni Serrano ang bata upang kumustahin ang kalagayan nito. Ayon daw sa mga magulang, maayos naman ang lagay ng bata at nagtamo lamang ng ilang galos.
Kinilala naman ng pinapasukan niyang courier company ang ginawa niyang kabayanihan, at pinagkalooban siya at perang pabuya. -- FRJ GMA News

