Patay ang isang 28-anyos na babae matapos siyang barilin sa ulo dahil umano sa ilegal na droga sa Balagtas, Bulacan. Ang mastermind at ang lookout umano sa krimen, arestado.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa kuha ng CCTV camera ang paglabas ng isang rider mula sa isang eskinita ng Barangay Wawa nitong Lunes.

Sunod nito, isa pang lalaki na naglalakad at nakasuot ng sombrero ang lumabas din sa naturang eskinita.

Ayon sa pulisya, nagsilbing lookout ang nahuli-cam na rider na si Alyas “Teteng,” habang gunman naman ang lalaking naglalakad na si Alyas “Jady.”

Hindi na nakunan ang aktuwal na krimen nang barilin sa ulo ang biktima.

Sinabi ng mga awtoridad na may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaril.

Ngunit itinanggi ng pamilya ng biktima na sangkot siya sa ilegal na droga. Giit nila, nadamay lang ang biktima sa problema ng kaniyang kinakasama.

Kalaunan, nahuli si Alyas “Teteng” at ang itinuturing mastermind sa krimen na si Alyas “Unyok.”

Mahigit P100,000 halaga ng hinihinalang shabu at baril na kargado ng bala ang nakumpiska sa mga suspek.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek, na tumangging magbigay ng pahayag. Nahaharap sila sa patong-patong na reklamo.

Samantala, patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang lalaking bumaril mismo sa biktima.-- Jamil Santos/FRJ GMA News