Tinanggihan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y alok na “ceasefire” kaugnay sa ginagawa niyang paghalungkat sa mga flood control project sa Taguig City na hinihinala niyang may iregularidad.
Hindi pinangalanan ni Lacson kung sino ang nagmungkahi ng ceasefire, ngunit sinabi niyang nagmula ito sa isang tao na, “who had arbitrarily and indiscriminately opened fire without provocation.”
Inilarawan din niya ang alok na ceasefire na, “hypocrisy aimed at buying time to recover and reconsolidate for his next sneaky move."
“Ceasefire my foot! Anong uri ng tao ang magde-declare ng giyera, toy gun ang dala, at laway ang bala; pag na-confront ng bomba, magre-request ng ceasefire, pabulong pa?" saad ni Lacson sa post niya X.
Nangyari ito ilang araw matapos isumite ng tanggapan ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento at testimonya na kanilang nakalap tungkol umano sa mga nahalungkat niyang iregularidad sa mga infrastructure project sa Taguig. Kabilang dito ang hinihinalang dobleng pagsingil at koleksiyon sa mga proyekto.
Iniugnay ni Lacson ang mga natuklasan kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na mariing itinanggi ang mga alegasyon tungkol sa mga umanoý “ghost” projects sa naturang lungsod. Ang misis ni Cayetano na si Lani, ang alkalde ngayon sa Taguig.
Nanawagan din si Cayetano na imbestigahan ang mga katulad na proyekto sa iba pang lungsod sa Metro Manila, at hindi lang sa Taguig.
Ayon kay Lacson, ilalahad din niya ang “delicious” na mga detalye ng mga iregularidad sa mga proyekto sa Taguig sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa iskandalo sa mga flood control project.
Una rito, inaksuhan din ni Lacson, dating namuno sa Senate Blue Ribbon Committee, si Cayetano na mayroong budget insertion na nagkakahalaga ng ₱6.79 bilyon.
Naunang itinanggi ni Cayetano ang mga paratang laban sa kaniya, at sinabing sasagutin niya sa tamang lugar ang mga bintang ni Lacson.
“I was just informed na may finile si Senator Panfilo Lacson sa Ombudsman. I welcome that because in the same manner that I tell everyone that kailangan ng accountability, same din naman. Ang sabi ko lang naman, sa tamang venue, tamang panahon,” sabi ni Cayetano sa isang pahayag niya sa Facebook.
Sinabi rin ng senador na, “Ingat lang po tayo sa mga malicious accusations. Alam niyo ba kung ano malicious? Malicious is mali, meaning wrong, pero delicious. Ibig sabihin, masarap pakinggan. Kaya malicious, di ba?”— FRJ GMA News

